1
Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, sa halip, subukin
muna ninyo ang mga espiritu kung sila ay mula sa Diyos sapagkat maraming bulaang
propeta ang naririto na sa sanlibutan.
2
Sa ganitong paraan ninyo malalaman ang Espiritu ng Diyos: Ang bawat espiritung
kumikilala na si Jesucristo ay nagkatawang tao sa kaniyang pagparito ay mula sa
Diyos.
3
Ang bawat espiritung hindi kumikilala na si Jesucristo ay nagkatawang tao sa
kaniyang pagparito ay hindi mula sa Diyos. Ito ang espiritu ng anticristo na
narinig ninyong darating at narito na nga sila ngayon sa sanlibutan.
4
Munting mga anak, kayo ay mula sa Diyos at sila ay napagtagumpayan ninyo
sapagkat higit siyang dakila na nasa inyo kaysa sa kaniya na nasa sanlibutan.
5
Sila ay mula sa sanlibutan, kaya nga, sila ay nagsasalita kung papaano ang
sanlibutan ay nagsasalita at pinakikinggan sila ng sanlibutan.
6
Tayo ay mula sa Diyos. Ang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa atin. Ang hindi
mula sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin. Sa ganitong paraan ay makikilala natin
ang espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kasinungalingan.
7
Mga minamahal, mag-ibigan tayo sa isa't isa sapagkat ang pag-ibig ay mula sa
Diyos. Ang sa bawat isang umiibig, ang kanilang kapanganakan ay mula sa Diyos at
nakakilala sa Diyos.
8
Ang hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos dahil ang Diyos ay pag-ibig.
9
Sa ganitong paraan nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin na sinugo ng Diyos ang
kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang tayo ay mabuhay sa pamamagitan niya.
10
Ganito ang pag-ibig, hindi sapagkat inibig natin ang Diyos kundi dahil siya ang
umibig sa atin at sinugo ang kaniyang Anak bilang kasiya-siyang handog para sa
ating mga kasalanan.
11
Mga minamahal, yamang iniibig tayo ng Diyos, dapat din naman tayong mag-ibigan
sa isa't isa.
12
Walang sinumang nakakita sa Diyos kahit kailan. Kapag tayo ay nag-iibigan sa
isa't isa, ang Diyos ay nananatili sa atin at ang kaniyang pag-ibig ay nagiging
ganap sa atin.
13
Sa ganitong paraan ay nalalaman natin na tayo ay nananatili sa kaniya at siya sa
atin sapagkat ibinigay niya sa atin ang kaniyang Espiritu.
14
Nakita namin at pinatunayang sinugo ng Ama ang Anak upang maging Tagapagligtas
ng sanlibutan.
15
Ang sinumang kumikilalang si Jesus ay Anak ng Diyos, nananatili ang Diyos sa
kaniya at siya ay nananatili sa Diyos.
16
Alam natin ang pag-ibig ng Diyos sa atin at sinampalatayanan natin ito. Ang
Diyos ay pag-ibig. Ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos at ang
Diyos ay nananatili sa kaniya.
17
Sa ganitong paraan, naging ganap sa atin ang pag-ibig upang tayo ay magkaroon ng
katiyakan sa araw ng paghuhukom. Ito ay sapagkat kung ano nga siya ay gayundin
tayo sa sanlibutang ito.
18
Walang takot sa pag-ibig. Ang ganap na pag-ibig ay nagtataboy ng takot sapagkat
ang takot ay kaparusahan. Ang natatakot ay hindi pa nagiging ganap sa pag-ibig.
19
Iniibig natin siya sapagkat siya ang unang umibig sa atin.
20
Kung sinasabi ng isang tao: Iniibig ko ang Diyos, ngunit napopoot naman sa
kaniyang kapatid, siya ay sinungaling. Ito ay sapagkat kung hindi niya iniibig
ang kaniyang kapatid na kaniyang nakikita, paano niya maibig ang Diyos na hindi
niya nakikita?
21
Ito ang utos na ibinigay niya sa atin: Ang sinumang umiibig sa Diyos ay dapat
din namang umibig sa kaniyang kapatid.
— 1 Juan 4:1-21
(Ang Salita ng Diyos [SND] - Copyright © 1998 by
Bibles
International)
SAAN HAHANAPIN SA BIBLIA:
KAPAG...
Sinisimulan mong itatag ang iyong sariling pamilya:
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment