1
Ngayon nga ay wala nang kahatulan sa kanila na na kay Cristo Jesus. Sila ang
mga lumalakad na hindi ayon sa makalamang kalikasan kundi ayon sa Espiritu.
2
Ito ay sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhay na nasa kay Cristo Jesus ay
nagpalaya sa akin mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan.
3
Ito ay sapagkat ang kautusan ay mahina sa pamamagitan ng makalamang kalikasan,
kaya ito ay walang kapangyarihan. Isinugo ng Diyos ang sarili niyang anak na
nasa anyo ng taong makasalanan upang maging hain para sa kasalanan. Sa ganitong
paraan, sa laman ay hinatulan na niya ang kasalanan.
4
Upang matupad ang matuwid na hinihiling ng kautusan sa atin na mga lumalakad
nang hindi ayon sa makalamang kalikasan kundi ayon sa Espiritu.
5
Ito ay sapagkat sila na mga ayon sa makalamang kalikasan ay nag-iisip ng mga
bagay ukol sa laman. Ngunit sila na mga ayon sa Espiritu ay nag-iisip ng mga
bagay ukol sa Espiritu.
6
Ang mag-isip sa makalamang kalikasan ay kamatayan. Ang mag-isip sa Espiritu ay
buhay at kapayapaan.
7
Ang mag-isip sa makalamang kalikasan ay pagiging kaaway ng Diyos sapagkat
hindi ito nagpapasakop sa kautusan ng Diyos ni hindi rin ito maaaring magpasakop.
8
Sila na nasa makalamang kalikasan ay hindi makapagbibigay lugod sa Diyos.
9
Kayo ay wala sa makalamang kalikasan. Kayo ay nasa Espiritu kung ang Espiritu
ng Diyos ay tunay na nananahan sa inyo. Ang sinumang walang Espiritu ni Cristo,
siya ay hindi sa kaniya.
10
Yamang si Cristo nga ay nasa inyo, tunay ngang ang katawan ay patay dahil sa
kasalanan. Ngunit dahil sa katuwiran, ang Espiritu ay buhay.
11
Ngunit kung ang Espiritu na nagbangon kay Jesus mula sa mga patay ay
nananahan sa inyo, siya na nagbangon kay Cristo mula sa mga patay ay magbibigay
din ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan. Gagawin niya ito sa
pamamagitan ng kaniyang Espiritu na nananahan sa inyo.
12
Kaya nga, mga kapatid, tayo ay may pagkakautang hindi sa makalamang kalikasan
upang tayo ay mamuhay ayon sa makalamang kalikasan.
13
Ito ay sapagkat namamatay na kayo kung mamumuhay kayo sa makalamang kalikasan.
Ngunit kayo ay mabubuhay kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang
mga gawa ng inyong katawan.
14
Ito ay sapagkat sila na inaakay ng Espiritu ng Diyos, sila ang mga anak ng
Diyos.
15
Ito ay sapagkat hindi kayo tumanggap ng Espiritu na magdadala sa inyo sa
muling pagkaalipin sa takot. Subalit ang tinanggap ninyo ay ang Espiritu ng
pag-ampon, kaya nga, tayo ay tumatawag ng: Abba, Ama.
16
Ang Espiritu ang siyang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo ay
mga anak ng Diyos.
17
Yamang tayo nga ay mga anak, tayo ay mga tagapagmana. Tagapagmana tayo ng
Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Yamang tunay na naghirap tayo na kasama
niya, tayo ay luluwalhatiin ding kasama niya.
18
Ito ay sapagkat itinuturing ko na ang mga paghihirap sa kasalukuyan ay hindi
karapat-dapat ihalintulad sa kaluwalhatiang ihahayag na sa atin.
19
Ito ay sapagkat ang matamang pag-asam ng nilikha ay naghihintay sa paghahayag
sa mga anak ng Diyos.
20
Ang nilikha ay ipinasakop sa paggawa ng mga bagay na walang kabuluhan. Hindi
nang kusang loob, subalit sa pamamagitan niya na nagpasakop nito sa pag-asa.
21
Upang ang nilikha din naman ay mapalaya mula sa pagkaalipin ng kabulukan
patungo sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.
22
Ito ay sapagkat alam natin na hanggang ngayon ang buong nilikha ay
sama-samang dumadaing at naghihirap tulad ng babaeng nanganganak.
23
Hindi lang iyan, maging tayo na may unang-bunga ng Espiritu ay dumadaing din.
Tayo sa ating sarili ay dumadaing sa ating kalooban na naghihintay ng pag-ampon
na walang iba kundi ang katubusan ng ating katawan.
24
Ito ay sapagkat sa pag-asa tayo ay naligtas, ngunit ang pag-asa na nakikita
ay hindi pag-asa sapagkat bakit aasa pa ang tao sa nakikita na niya?
25
Ngunit kung tayo ay umaasa sa hindi natin nakikita, naghihintay tayo na may
pagtitiis.
26
Sa gayong paraan, ang Espiritu rin ay kasamang tumutulong sa ating mga
kahinaan sapagkat hindi natin alam kung ano ang kinakailangan nating ipanalangin.
Subalit ang Espiritu mismo ang siyang namamagitan para sa atin na may pagdaing
na hindi kayang ipahayag ng salita.
27
Siya na sumusuri sa mga puso ang siyang nakakaalam ng kaisipan ng Espiritu
sapagkat ang Espiritu ay namamagitan para sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos.
28
Alam natin na ang lahat ng mga bagay ay magkakalakip-lakip na gumagawa para
sa kabutihan nila na mga umiibig sa Diyos, sa kanila na mga tinawag ng Diyos
ayon sa kaniyang layunin.
29
Ito ay sapagkat ang mga kilala na ng Diyos nang una pa ay itinalaga rin niya
nang una pa na maging kawangis ng kaniyang Anak, upang siya ay maging panganay
sa maraming kapatiran.
30
At sila na itinalaga niya nang una pa ay tinawag din niya. Sila na tinawag
niya ay pinaging-matuwid din niya at sila na pinaging-matuwid niya ay
niluwalhati din niya.
31
Ano nga ang sasabihin natin sa mga bagay na ito? Yamang ang Diyos ay kakampi
natin, sino ang tatayong laban sa atin?
32
Hindi niya ipinagkait ang sarili niyang Anak, kundi ipinagkaloob niya siya
para sa ating lahat. Papaano ngang hindi niya ipagkaloob nang walang bayad sa
atin ang lahat ng mga bagay?
33
Sino ang magsasakdal laban sa pinili ng Diyos? Ang Diyos na siyang
nagpapaging-matuwid.
34
Sino ang magbibigay hatol? Si Cristo nga na namatay, ngunit higit dito, siya
ay bumangong muli na ngayon ay nasa dakong kanan ng Diyos at namamagitan para sa
atin.
35
Sino ang maghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ni Cristo? Ang paghihirap ba,
o kagipitan, o pag-uusig, o kagutuman, o kahubaran, o panganib o tabak?
36
Ayon sa nasusulat: Alang-alang sa inyo, pinapatay nila kami buong araw.
Itinuturing kaming mga tupang kakatayin.
37
Subalit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo ay higit pa sa mga mapagtagumpay
sa pamamagitan niya na umiibig sa atin.
38
Ito ay sapagkat nakakatiyak ako na walang makakapaghiwalay sa atin mula sa
pag-ibig ng Diyos. Hindi ang kamatayan, o buhay, o mga anghel, o mga pamunuan, o
mga kapangyarihan, o mga bagay sa kasalukuyan o mga bagay na darating.
39
Hindi ang matataas na bagay, o mga kalaliman o kahit anumang bagay na nilikha.
Walang anumang makakapaghiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos na na kay
Cristo Jesus na ating Panginoon.
— Mga Taga-Roma 8:1-39
(Ang Salita ng Diyos [SND] - Copyright © 1998 by
Bibles
International)
SAAN HAHANAPIN SA BIBLIA:
KAPAG...
Ang nais mo’y kapanatagan ng loob:
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment