1
Kaya nga, tayo rin naman ay napapalibutan ng gayong makapal na ulap ng mga saksi.
Ating isaisangtabi ang bawat bagay na humahadlang sa atin at ang kasalanang
napakadaling bumalot sa atin. Takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhing
inilaan sa atin.
2
Ituon natin ang ating mga mata kay Jesus na siya ang nagpasimula at
nagpapaging-ganap ng ating pananampalataya. Siya ay nagbata ng krus alang-alang
sa kagalakang itinalaga sa kaniya at hinamak niya ang kahihiyan. Pagkatapos ay
umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos.
3
Dapat ninyo siyang isaalang-alang na mabuti upang huwag kayong manlupaypay at
huwag manghina ang inyong kaluluwa, dahil siya ay nagtiis ng labis na
pagsalungat mula sa mga taong makasalanang laban sa kaniya.
4
Sa pakikibaka ninyo laban sa kasalanan ay hindi pa kayo humantong sa pagdanak ng
inyong dugo.
5
Nakalimutan na ba ninyo ang salitang nagpapalakas ng inyong loob na tumutukoy sa
inyo bilang mga anak? Ang sinasabi: Anak ko, kung itinutuwid ka ng Panginoon
huwag mong ipagwalang bahala. At kung sina-saway ka niya, huwag manghina ang
iyong loob.
6
Sapagkat itinutuwid ng Panginoon ang mga iniibig niya, pinapalo ang bawat
tina-tanggap niya bilang anak.
7
Kung nagbabata kayo ng pagtutuwid, ang Diyos ay siyang gumagawa sa inyo bilang
mga anak. Sapagkat alin bang anak ang hindi itinutuwid ng kaniyang ama?
8
Ang lahat ng anak ay dumaranas ng pagtutuwid. Ngunit kung hindi kayo itinutuwid,
kayo ay mga anak sa labas at hindi kayo mga tunay na anak.
9
Higit pa dito, lahat tayo ay may mga ama sa laman at itinutuwid nila tayo. At
iginagalang natin sila. Hindi ba lalong nararapat na handa tayong magpasakop sa
ating Ama ng espiritu upang tayo ay mabuhay?
10
Sapagkat sila ay nagtutuwid sa atin, ayon sa ipinapalagay nilang mabuti, sa
maikling panahon. Ngunit ang Diyos ay tumutuwid para sa ating kapakinabangan at
upang tayo ay maging kabahagi ng kaniyang kabanalan.
11
Ngunit walang pagtutuwid na parang kasiya-siya sa kasalukuyan. Ito ay masakit
ngunit sa katagalan, ito ay nagdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran, sa mga
nasasanay ng pagtutuwid.
12
Kaya nga, itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at ituwid ninyo ang
inyong mga tuhod na nangangatog.
13
At tuwirin ninyo ang mga daraanan ng inyong mga paa upang ang mga lumpo ay
huwag malihis, sa halip, sila ay gumaling.
14
Sikapin ninyong mamuhay ng may kapayapaan at kabanalan sa lahat ng tao, dahil
walang sinumang makakakita sa Panginoon kung wala ito.
15
Mag-ingat kayo baka mayroong magkulang sa biyaya ng Diyos. Ingatan ninyo na
baka may sumibol na ugat ng sama ng loob na siyang dahilan ng kaguluhan at sa
pamamagitan nito ay nadudungisan ang marami.
16
Tiyakin ninyo na walang matagpuan sa inyo na taong imoral o mapaglapastangan
tulad ni Esau na kaniyang ipinagbili ang karapatang magmana bilang panganay na
anak na lalaki dahil sa isang pagkain.
17
Sapagkat alam na ninyong lahat kung ano ang nangyari pagkatapos. Nang ibig na
niyang manahin ang basbas, itinakwil siya ng Diyos. Bagaman si Esau ay humanap
ng paraan na may pagluha upang siya ay makapagsisi, hindi siya makahanap ng
pagkakataon para makapagsisi.
18
Sapagkat hindi kayo nakalapit sa bundok na inyong mahihipo na naglalagablab
sa apoy, sa kapusikitan, sa kadiliman at sa unos.
19
At ang naroon ay tunog ng trumpeta at ang tinig ng mga salita. Pagkarinig
nila ng tinig nito, nagsumamo sila na huwag nang banggitin sa kanilang muli ang
mga salitang ito.
20
Sapagkat hindi nila makayanang dalhin ang iniutos na sinabi: Kung ang isang
hayop ay madikit sa bundok, dapat ninyong batuhin at sa pamagitan ng sibat ay
inyong tuhugin.
21
Dahil ang tanawin ay labis na nakakasindak, sinabi ni Moises: Nilukuban ako
ng takot at ako ay nanginig.
22
Subalit kayo ay nakalapit na sa bundok ng Zion at sa lungsod ng buhay na
Diyos, sa Jerusalem na maka-langit at sa hindi mabilang na mga anghel.
23
Lumapit na kayo sa pangkalahatang pagtitipon at sa iglesiya ng mga panganay
na nakatala sa kalangitan. Lumapit na kayo sa Diyos na hukom ng lahat at sa mga
espiritu ng mga matuwid na pinaging-ganap.
24
Lumapit na kayo kay Jesus na siyang tagapamagitan ng isang bagong tipan at sa
dugo na kaniyang iwinisik na nangungusap ng higit na mabubuting bagay kaysa sa
dugo ni Abel.
25
Tiyakin ninyo na hindi ninyo tinatanggihan ang nagsasalita. Sapagkat kung ang
mga tumanggi sa nagsalita sa lupa ay hindi makakaligtas sa paghatol. Ang ating
kahatulan ay lalong tiyak kung tatalikuran natin siya na nagmula sa langit.
26
Noon ang kaniyang tinig ay yumanig sa lupa. Ngunit ngayon siya ay nangako na
sinasabi: Minsan na lang ay yayanigin ko hindi lamang ang lupa kundi gayundin
ang langit.
27
Nang gamitin niya ang katagang, minsan na lang, ang ibig niyang sabihin ay
aalisin niya ang lahat ng bagay na mayayanig, na ang mga ito ay ang mga bagay na
ginawa, upang ang mga bagay na hindi mayayanig ay manatili.
28
Tinanggap natin ang isang paghahari na walang makakayanig. Kaya nga, tayo
nawa ay magkaroon ng biyaya na sa pamamagitan nito, tayo ay maghahandog ng
paglilingkod na kalugud-lugod sa Diyos, na may banal na paggalang at pagkatakot.
29
Sapagkat ang ating Diyos ay isang apoy na tumutupok.
— Hebreo 12:1-29
(Ang Salita ng Diyos [SND] - Copyright © 1998 by
Bibles
International)
Label: Hindi ka mapakali
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment