1
Nagsimula si Jesus na magsabi sa kanila ng mga talinghaga: Isang lalaki ang
nagtanim ng ubasan. Nilagyan niya ng bakod ang paligid niyon at naghukay ng dako
para sa pisaan ng ubas at nagtayo ng isang bantayan. Pinaupahan niya iyon sa mga
magsasaka at siya ay naglakbay sa isang malayong dako.
2
Sa panahon ng anihan siya ay nagsugo ng isang alipin sa mga magsasaka. Ito ay
upang matanggap niya ang bunga ng ubasan mula sa mga magsasaka.
3
Subalit sinunggaban nila ang alipin, hinagupit at pinauwing walang dala.
4
Muli siyang nagsugo sa kanila ng ibang alipin. Subalit binato ito, hinampas sa
ulo at pagkatapos alipustain ay pinauwi siya.
5
Muli siyang nagsugo ng ibang alipin ngunit ito ay pinatay nila. Nagsugo pa rin
siya ng iba pang mga alipin. Ngunit ang ilan ay hinagupit at ang ilan ay pinatay.
6
Mayroon siyang isang anak na lalaki na kaniyang minamahal. Isinugo rin nga niya
ito sa kanila sa huling pagkakataon na sinasabi: Igagalang nila ang aking anak.
7
Nag-usap-usap ang mga magsasaka: Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin
siya at nang mapasaatin ang mana.
8
Pagkatapos nila siyang sunggaban, pinatay nila siya at itinapon sa labas ng
ubasan.
9
Ano nga ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at lilipulin ang mga
magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba.
10
Hindi ba ninyo nabasa ang sinabi ng kasulatan: Ang bato na itinakwil ng mga
tagapagtayo ay siyang naging batong-panulok.
11
Ito ay mula sa Panginoon, at ito ay kamangha-mangha sa ating mga mata. Hindi ba
ninyo ito nabasa?
12
Humahanap sila ng paraan upang hulihin si Jesus dahil batid nila na ang
talinghagang kaniyang sinabi ay tila laban sa kanila. Ngunit dahil takot sila sa
mga tao, umalis sila at iniwan si Jesus.
13
Isinugo nila kay Jesus ang ilan sa mga Fariseo at ilan sa mga Herodiano upang
hulihin siya sa kaniyang salita.
14
Lumapit sila kay Jesus at sinabi: Guro, alam naming ang sinasabi mo ay totoo.
Alam din namin na hindi ka nagtatangi ng sinuman sapagkat hindi ka tumitingin sa
panlabas na anyo ng mga tao. Sa halip ay itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa
katotohanan. Naaayon ba sa kautusan na magbigay kami kay Cesar ng
buwis-pandayuhan o hindi?
15
Dapat ba tayong magbigay nito o hindi? Ngunit alam ni Jesus ang kanilang
pagpapaimbabaw. Sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo ako sinusubok? Dalhan ninyo
ako ng isang denaryo upang makita ko.
16
At dinalhan nila siya nito. Sinabi niya sa kanila: Kaninong anyo ang narito at
patungkol kanino ang nakasulat dito? Sinabi nila: Kay Cesar.
17
Sinabi sa kanila ni Jesus: Ibigay nga ninyo kay Cesar ang mga bagay na nauukol
kay Cesar. Ibigay ninyo sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Diyos. At namangha
sila sa kaniya.
18
Pumunta sa kaniya ang mga Saduseo na nagtuturo na walang muling pagkabuhay.
Tinanong nila siya.
19
Sinabi nila: Guro, si Moises ay sumulat sa amin nang ganito: Kung ang sinumang
kapatid na lalaki na may asawa at namatay na walang anak, dapat kunin ng kapatid
niyang lalaki ang asawa nito, upang magkaanak para sa kaniyang kapatid na
namatay.
20
Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay nag-asawa at namatay ng
walang anak.
21
Kinuha siya ng pangalawa upang maging asawa at ang lalaki ay namatay na wala
ring anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo.
22
Ang babae ay naging asawa ng pitong magkakapatid at namatay ang mga ito na
walang anak. Sa kahuli-hulihan, namatay din ang babae.
23
Kaya nga, sa muling pagkabuhay, kapag sila ay ibabangon, sino kaya sa kanila ang
magiging asawa niya? Ang dahilan nito ay naging asawa siya ng pito.
24
Sumagot si Jesus na sinabi sa kanila: Kaya nga, hindi ba naliligaw kayo dahil
hindi ninyo alam ang kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos?
25
Ito ay sapgkat kapag bumangon sila mula sa mga patay, hindi na sila mag-aasawa
ni magpapakasal. Sila ay magiging katulad ng mga anghel sa langit.
26
Ngunit patungkol sa patay na bumangon: Isinulat ni Moises sa kaniyang aklat sa salaysay
patungkol sa palumpong. Nagsalita ang Diyos sa kaniya: Ako ay Diyos ni Abraham
at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob, hindi ba ninyo nabasa ito?
27
Hindi siya Diyos ng mga patay kundi Diyos ng mga buhay, kaya nga, lubha
kayong naligaw.
28
Ang isang guro ng kautusan na nakarinig ng kanilang pagtatalo ay dumating.
Nabatid niya na mahusay ang pagsagot ni Jesus sa kanila. Tinanong niya si Jesus:
Alin ba ang pangunahin sa lahat ng mga utos?
29
Sumagot si Jesus sa kaniya: Ang pangunahin sa lahat ng mga utos ay ito:
Pakinggan mo Israel. Ang Panginoon mong Diyos ay iisang Panginoon.
30
Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa
mo, at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo. Ito ang unang utos.
31
Ang ikalawang utos ay tulad nito ay: Ibigin mo ang iyong kapwa tulad sa iyong
sarili. Walang ibang utos na higit na dakila pa sa mga ito.
32
Sinabi sa kaniya ng guro ng kautusan: Guro, mahusay ang pagkakasabi mo.
Naayon sa katotohanan ang sinabi mo na iisa ang Diyos at wala nang iba maliban
sa kaniya.
33
Tama ka nang sabihin mo: Ibigin siya nang buong puso, at nang buong pang-unawa,
at nang buong kaluluwa at nang buong lakas. At ibigin mo ang iyong kapwa katulad
sa iyong sarili. Ito ay higit na mahalaga kaysa lahat ng mga handog na susunugin
at mga hain.
34
Nang makita ni Jesus na sumagot siyang may katalinuhan, sinabi niya ang mga
ito sa kaniya: Hindi ka malayo sa paghahari ng Diyos. Mula noon ay wala nang
naglakas-loob na magtanong sa kaniya.
35
Sumagot si Jesus habang nagtuturo sa templo na nagsasabi: Paano nasabi ng mga
guro ng kautusan na ang Mesiyas ay anak ni David?
36
Si David mismo ang siyang nagsabi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu: Sinabi
ng Panginoon sa aking Panginoon: Umupo ka sa may kanang kamay ko hanggang
mailagay ko ang iyong mga kaaway bilang patungan para sa iyong paa.
37
Kaya nga, si David mismo ay tumawag sa kaniya na Panginoon. Papaano siya
magiging anak ni David? Ang napakaraming tao ay nakinig sa kaniya na may
kagalakan.
38
Sa kaniyang pagtuturo sinabi niya sa kanila: Mag-ingat kayo sa mga guro ng
kautusan na gustong laging makalakad na may mahabang kasuotan. Nais din nila ang
pagbati sa kanila sa mga pamilihang dako.
39
Nais din nila ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at ang mga
pangunahing dako sa mga hapunan.
40
Sila ang mga lumalamon sa mga bahay ng mga balo. Sila ay nagkukunwaring
nananalangin ng mahaba. Ang mga ito ay tatanggap ng higit na mabigat na
kahatulan.
41
Umupo si Jesus sa tapat ng kaban ng yaman. Nakita niya kung papaano
naghuhulog ng salapi sa kaban ng yaman ang napakaraming tao. Maraming mayayaman
ang naghulog ng maraming salapi sa kaban ng yaman.
42
Lumapit ang isang dukhang babaeng balo at naghulog ng dalawang sentimos na
maliit lang ang halaga.
43
Tinanong ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: Katotohanang
sinasabi ko sa inyo, ang dukhang babaeng balong ito ang naghulog ng higit na
malaking halaga kaysa sa kanilang lahat na naghulog ng salapi sa kaban ng yaman.
44
Ito ay sapagkat silang lahat ay naghulog ng mga labis nila. Ngunit siya, sa
kabila ng kaniyang karukhaan, ay inihulog ang lahat ng kaniyang kabuhayan.
— Marcos 12:1-44
(Ang Salita ng Diyos [SND] - Copyright © 1998 by
Bibles
International)
SAAN HAHANAPIN SA BIBLIA:
KAPAG...
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment