1
Kinaumagahan, lahat ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda sa mga tao ay
sumangguni sa isa't isa laban kay Jesus upang maipapatay nila siya.
2
Tinalian nila si Jesus at ibinigay kay Pontio Pilato na gobernador.
3
Nang makita ni Judas, na siyang nagkanulo kay Jesus, na siya ay hinatulan,
nagsisi siya. Isinauli niya ang tatlumpung pilak sa mga pinunong-saserdote at sa
mga matanda.
4
Sinabi niya: Nagkasala ako sa pagkakanulo ko sa walang salang dugo. Ngunit
sinabi nila: Ano iyan sa amin? Ikaw na ang bahala diyan.
5
Itinapon niya ang tatlumpung pilak sa banal na dako at siya ay umalis. Pagkaalis
niya roon, siya ay nagbigti.
6
Kinuha ng mga pinunong-saserdote ang tatlumpung pilak. Kanilang sinabi: Labag sa
kautusan na ilagay ang mga ito sa kaban ng yaman sapagkat ibinayad sa dugo ang
salaping ito.
7
Nang sila ay nakapagsanggunian na, ibinili nila ito ng bukid ng magpapalayok
upang ito ay maging libingan ng mga dayuhan.
8
Kaya nga, ang bukid na iyon ay tinawag, hanggang sa araw na ito na: Bukid ng
dugo.
9
Natupad nga ang sinabi ni propeta Jeremias. Sinabi niya: Kinuha ko ang
tatlumpung pilak. Ito ang ibinigay na kaniyang halaga, na itinakdang halaga ng
mga anak ni Israel.
10
Ito ay ibinigay para sa bukid ng magpapalayok ayon sa iniutos sa akin ng
Panginoon.
11
Si Jesus ay tumayo sa harap ng gobernador. Tinanong siya ng gobernador na
sinasabi: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio? Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang
iyong sinabi.
12
Nang siya ay pinaratangan ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda, wala
siyang isinagot.
13
Sinabi ni Pilato sa kaniya: Narinig mo ba ang marami nilang paratang laban sa
iyo?
14
Hindi sumagot si Jesus sa kaniya, na lubhang ikinamangha ng gobernador.
15
Kinaugalian na ng gobernador na sa tuwing araw ng paggunita ay magpapalaya siya
sa karamihan ng isang bilanggo na ibig nila.
16
Nang panahong iyon, ay mayroon silang isang kilalang bilanggo na tinatawag na
Barabas.
17
Nang sila ay nagtipun-tipon sinabi ni Pilato sa kanila: Sino ang nais ninyong
palayain ko para sa inyo? Si Barabas o si Jesus na tinatawag na Cristo?
18
Ito ay sapagkat alam niya na inggit ang dahilan nang ibinigay nila si Jesus sa
kaniya.
19
Samantalang siya ay nakaupo sa upuan ng hukom, lumapit sa kaniya ang kaniyang
asawa. Kaniyang sinabi: Huwag mo nang pakialaman ang matuwid na taong iyan. Ang
dahilan ay lubha akong nahirapan sa araw na ito sa isang panaginip dahil sa
lalaking iyan.
20
Ngunit hinikayat ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda sa mga tao, na
hingiin ng karamihan si Barabas at ipapatay si Jesus.
21
Sumagot ang gobernador: Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko para sa
inyo? Sinabi nila: Si Barabas!
22
Sinabi ni Pilato sa kanila: Ano nga ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na
Cristo? Sinabi nilang lahat sa kaniya: Ipapako siya sa krus!
23
Sinabi ng gobernador: Ano ang ginawa niyang masama? Ngunit lalo silang
sumigaw, na sinasabi: Ipapako siya sa krus!
24
Nang makita ni Pilato na wala na siyang magagawa dito at ang mga tao ay
nagsimula ng magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng
napakaraming tao. Sinabi niya: Wala akong sala sa dugo ng matuwid na lalaking
ito. Kayo na ang bahala sa bagay na ito.
25
Sumagot ang lahat ng mga tao: Mapasaamin at sa aming mga anak ang kaniyang
dugo.
26
Pagkatapos nito ay pinalaya niya si Barabas ngunit ipinahagupit niya si Jesus
at ibinigay niya sa kanila upang ipako sa krus.
27
Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa hukuman at pinalibutan siya ng
buong batalyon ng mga kawal.
28
Hinubaran nila siya at sinuotan ng isang balabal na kulay ube.
29
Nagsalapid sila ng isang koronang tinik at inilagay sa kaniyang ulo. Isang
tangkay ng tambo ang inilagay sa kaniyang kanang kamay. Lumuhod sila sa harap ni
Jesus at siya ay kinutya. Sinabi nila: Binabati ang Hari ng mga Judio!
30
Dinuraan nila siya at kinuha ang tambo at ipinalo sa kaniyang ulo.
31
Kinutya nila siya at kinuha sa kaniya ang kaniyang balabal. Isinuot nila sa
kaniya ang kaniyang damit at siya ay dinala upang ipako sa krus.
32
Nang sila ay papunta na roon, nakita nila ang isang lalaking taga-Cerene na
nagngangalang Simon. Isinama nila siya upang ipapasan sa kaniya ang krus.
33
Dumating sila sa isang dako na tinatawag na Golgota. Ang kahulugan nito ay
Lugar ng mga Bungo.
34
Binigyan nila si Jesus ng maasim na alak na hinaluan ng apdo upang inumin.
Nang matikman niya ito, ayaw niya itong inumin.
35
Nang maipako na nila siya, pinaghati-hatian nila ang kaniyang damit at sila
ay nagpalabunutan. Ito ay upang matupad ang sinabi ng propeta na sinasabi:
Pinaghati-hatian nila ang aking damit at nagpalabunutan sa aking kasuotan.
36
Sila ay naupo roon at binantayan siya.
37
Inilagay nila sa kaniyang ulunan ang paratang sa kaniya. Ito ang nakasulat:
ITO SI JESUS ANG HARI NG MGA JUDIO.
38
Ipinakong kasama niya ang dalawang tulisan. Ang isa ay sa kaniyang gawing
kanang kamay at ang isa ay sa kaniyang gawing kaliwang kamay.
39
Nilait siya ng mga dumaraan na iniiling ang kanilang mga ulo.
40
Sinasabi nila: Ikaw na magwawasak ng banal na dako at magtatayo nito sa loob
ng tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili. Kung ikaw ang Anak ng Diyos,
bumaba ka mula sa krus.
41
Sa gayunding paraan kinutya siya ng mga pinunong-saserdote kasama ng mga guro
ng kautusan at ng mga matanda, na sinasabi:
42
Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya kayang iligtas ang kaniyang sarili.
Kung siya ang hari ng Israel, bumaba siya mula sa krus at sasampalataya kami sa
kaniya.
43
Nagtiwala siya sa Diyos. Magpaligtas siya sa kaniya, kung ililigtas siya
sapagkat sinabi niya: Ako ay ang Anak ng Diyos.
44
Gayundin nilibak siya ng mga tulisang ipinakong kasama niya.
45
Nagkaroon ng kadiliman sa buong lupa mula sa ika-anim na oras hanggang sa
ika-siyam na oras.
46 Nang mag-iikasiyam na ang oras, si Jesus ay sumigaw nang
may malakas na tinig. Sinabi niya: Eli, Eli, lama sabachthani? Ang ibig sabihin
nito ay: Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
47
Narinig siya ng ilan sa mga nakatayo roon. Sinabi nila: Tinatawag ng lalaking
ito si Elias.
48
Ang isa sa kanila ay agad-agad na tumakbo at kumuha ng isang espongha.
Inilubog niya ito sa maasim na alak at inilagay sa isang tambo upang ipainom sa
kaniya.
49
Sinabi ng iba: Pabayaan mo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang
iligtas siya.
50
Muling sumigaw si Jesus na may malakas na tinig. Pagkatapos, ipinaubaya niya
ang kaniyang espiritu.
51
Narito, ang telang tabing sa banal na dako ay napunit sa dalawa mula sa itaas
pababa. Ang lupa ay nayanig at nabiyak ang mga bato.
52
Ang mga libingan ay nabuksan at maraming katawan ng mga banal na namatay ang
bumangon.
53
Pagkatapos niyang mabuhay muli, lumabas sila sa mga libingan at pumasok sa
banal na lungsod. Nagpakita sila roon sa maraming tao.
54
Isang kapitan ang naroroon at kasama niya ang mga nagbabantay kay Jesus.
Pagkakita nila sa lindol at sa mga bagay na nangyari, lubha silang natakot.
Sinabi nila: Totoo ngang ito ang Anak ng Diyos.
55
Maraming mga babae roon ang nakamasid mula sa malayo. Sila yaong sumunod kay
Jesus mula sa Galilea at naglingkod sa kaniya.
56
Kabilang sa kanila si Maria na taga-Magdala at si Maria na ina nina Santiago
at Jose at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.
57
Nang gumabi na, dumating ang isang mayamang lalaki na taga-Arimatea. Siya ay
si Jose na naging alagad ni Jesus.
58
Sa pagpunta niya kay Pilato ay hiningi niya ang katawan ni Jesus. Iniutos ni
Pilato na ibigay ang katawan ni Jesus.
59
Pagkakuha ni Jose sa katawan ni Jesus, binalot niya iyon sa malinis na telang
lino.
60
At inilagay niya iyon sa kaniyang bagong libingan na inuka niya sa malaking
bato. Nang maipagulong na ang isang malaking bato tungo sa pintuan ng libingan
ay umalis na siya.
61
Naroroon si Maria na taga-Magdala at ang isa pang Maria. Sila ay nakaupo sa
harap libingan.
62
Kinabukasan ay ang araw pagkatapos ng paghahanda. Ang mga pinunong-saserdote
at mga Fariseo ay nagtipun-tipon sa harap ni Pilato.
63
Sinabi nila: Ginoo, naala-ala namin ang sinabi ng mandarayang iyon nang
nabubuhay pa siya. Sinabi niya: Pagkalipas ng tatlong araw, ako ay babangon.
64
Ipag-utos mo nga na bantayang maigi ang libingan hanggang sa ikatlong araw at
baka sa gabi ay nakawin siya ng kaniyang mga alagad. At sabihin nila sa mga tao:
Siya ay nabuhay mula sa mga patay. Kung magkakagayon, ang pandaraya ay magiging
malala kaysa una.
65
Sinabi ni Pilato sa kanila: Mayroon kayong tagapagbantay. Humayo kayo at
ipabantayang mahigpit ayon sa inyong kakayanan.
66
Sa pag-alis nila, tiniyak nila na nakasara na ang libingan at nilagyan ng
selyo ang bato at ipinabantayan sa mga bantay.
— Mateo 27:1-66
(Ang Salita ng Diyos [SND] - Copyright © 1998 by
Bibles
International)
KUNG SAAN SA BIBLIA:
MATATAGPUAN MO...
Ang Pagpako sa Krus, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Jesus:
Mateo
26
Mateo 28
Marcos 14
Marcos 15
Marcos 16
Lucas 22
Lucas 23
Lucas 24
Juan 13:1-21
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment