1
Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo ni Cristo Jesus para sa inyo na mga
Gentil.
2
Tunay na narinig ninyo na ibinigay sa akin ang pangangasiwa sa biyaya ng Diyos
para sa inyo.
3
Sumulat ako sa inyo ng maikling sulat noon na nagsasaad na sa pamamagitan ng
paghahayag, ipinaalam niya sa akin ang hiwaga.
4
Sa inyong pagbasa nito ay mauunawaan ninyo ang aking kaalaman sa hiwaga ni
Cristo.
5
Sa ibang kapanahunan, ito ay hindi ipinaalam sa sangkatauhan na tulad ngayon.
Ito ngayon ay inihayag sa mga banal niyang apostol at mga propeta sa pamamagitan
ng Espiritu.
6
Ito ay upang sa pamamagitan ng ebanghelyo, ang mga Gentil ay magiging kasamang
tagapagmana at kaisang katawan at kasamang kabahagi sa kaniyang pangako na na
kay Cristo.
7
Ako ay ginawang tagapaglinkod ng ebanghelyong ito ayon sa kaloob ng biyaya ng
Diyos na ibinigay sa akin, ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan.
8
Ako na higit na mababa kaysa sa pinakamababa sa lahat ng mga banal ay
pinagkalooban ng biyayang ito upang ipangaral ko sa mga Gentil ang ebanghelyo,
ang hindi malirip na kayamanan ni Cristo.
9
Ito ay upang malinaw na makita ng lahat kung ano ang pakikipag-isa ng hiwaga, na
sa panahong nakalipas, ay dating nakatago sa Diyos na lumikha ng lahat ng mga
bagay sa pamamagitan ni Jesucristo.
10
Ang layunin niya ay upang ipaalam, sa pamamagitan ng iglesiya, ang malawak na
karunungan ng Diyos sa mga pamunuan at mga kapamahalaan sa kalangitan.
11
Dapat nilang malaman ang kaniyang karunungan ayon sa walang hanggang layunin na
kaniyang ginawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
12
Sa kaniya, tayo ay mayroong katapangan at tayo ay tuwirang makakalapit sa Diyos
na may katiyakan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo.
13
Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo na huwag kayong manghina sa mga paghihirap ko
para sa inyo, na siya ninyong kaluwalhatian.
14
Dahil dito, iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama ng ating Panginoong
Jesucristo.
15
Sa kaniya ay pinangalanan ang bawat angkan sa langit at sa lupa.
16
Ito ay upang ayon sa kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian ay palakasin niya
kayong may kapangyarihan sa inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng
kaniyang Espiritu.
17
Ito ay upang si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng
pananampalataya.
18
Upang kayo na nag-ugat at natatag sa pag-ibig, ay lubos na makaunawa, kasama ng
mga banal, kung ano ang lawak, ang haba, ang lalim at ang taas ng pag-ibig ni
Cristo.
19
Nang sa gayon kayo ay lubos na makaunawa ng pag-ibig ni Cristo na nakakahigit sa
kaalaman at upang kayo ay mapuspos ng lahat ng kapuspusan ng Diyos.
20
Siya ay makakagawa ng pinakahigit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip ayon sa
kapangyarihang gumagawa sa atin.
21
Sumakaniya ang kaluwalhatian sa iglesiya sa pamamagitan ni Cristo Jesus sa lahat
ng salit-saling lahi magpakailanman. Siya nawa.
— Mga Taga-Efeso 3:1-21
(Ang Salita ng Diyos [SND] - Copyright © 1998 by
Bibles
International)
Label: Ikaw ay nababagot
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment