1
Bago nga magpista ng paskua, sa pagkaalam ni Jesus na dumating na ang kaniyang
oras ng paglipat niya mula sa sanglibutang ito hanggang sa Ama, sa pagkaibig sa
mga kaniya na nangasa sanglibutan, ay inibig niya sila hanggang sa katapusan.
2
At habang humahapon, nang mailagay na ng diablo sa puso ni Judas Iscariote, na
anak ni Simon, ang pagkakanulo sa kaniya.
3
Si Jesus, sa pagkatalastas na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa
kaniyang mga kamay, at siya'y nanggaling sa Dios, at sa Dios din paroroon,
4
Ay nagtindig sa paghapon, at itinabi ang kaniyang mga damit; at siya'y kumuha ng
isang toalya, at ibinigkis sa kaniyang sarili.
5
Nang magkagayo'y nagsalin ng tubig sa kamaw, at pinasimulang hugasan ang mga paa
ng mga alagad, at kinuskos ng toalya na sa kaniya'y nakabigkis.
6
Sa gayo'y lumapit siya kay Simon Pedro. Sinabi niya sa kaniya, Panginoon,
huhugasan mo baga ang aking mga paa?
7
Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Ang ginagawa ko'y hindi mo nalalaman
ngayon; datapuwa't mauunawa mo pagkatapos.
8
Sinabi sa kaniya ni Pedro, Huwag mong huhugasan ang aking mga paa kailan man.
Sinagot siya ni Jesus, Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng
bahagi sa akin.
9
Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro, Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang,
kundi pati ng aking mga kamay at ang aking ulo.
10
Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ang napaliguan na ay walang kailangang hugasan
maliban ang kaniyang mga paa, sapagka't malinis nang lubos: at kayo'y malilinis
na, nguni't hindi ang lahat.
11
Sapagka't nalalaman niya ang sa kaniya'y magkakanulo; kaya't sinabi niya, Hindi
kayong lahat ay malilinis.
12
Kaya't nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kaniyang mga
damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, Nalalaman baga ninyo kung ano
ang ginawa ko sa inyo?
13
Tinatawag ninyo akong Guro, at Panginoon: at mabuti ang inyong sinasabi;
sapagka't ako nga.
14
Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay
nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa't isa.
15
Sapagka't kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa
ginawa ko sa inyo.
16
Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang alipin ay hindi dakila kay sa
kaniyang panginoon; ni ang sinugo man ay dakila kay sa nagsugo sa kaniya.
17
Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay mapapalad kung inyong mga
gawin.
18
Hindi ko sinasalita tungkol sa inyong lahat: nalalaman ko ang aking mga hinirang:
nguni't upang matupad ang kasulatan, Ang kumakain ng aking tinapay ay nagtaas ng
kaniyang sakong laban sa akin.
19
Mula ngayon ay sinasalita ko sa inyo bago mangyari, upang, pagka nangyari,
kayo'y magsisampalataya na ako nga.
20
Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang tumatanggap sa sinoman
sinusugo ko ay ako ang tinatanggap; at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap
ang nagsugo sa akin.
21
Nang masabing gayon ni Jesus, siya'y nagulumihanan sa espiritu, at pinatotohanan,
at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ako'y ipagkakanulo
ng isa sa inyo.
—
Juan 13:1-21
(Ang
Biblia 1905 / Ang Dating Biblia)
Basahin sa
salin na Ang Salita Ng Diyos [SND] 1998
(Tagalog New Testament) ng Bibles International
Payak Na Paraan Ng Diyos Ukol Sa Kaligtasan
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment