1
Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata
sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong
Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak:
2
Gaya ng ibinigay mo sa kaniya ang kapamahalaan sa lahat ng laman, upang bigyan
niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kaniya.
3
At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na
tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.
4
Niluwalhati kita sa lupa, pagkaganap ko ng gawa na ipinagawa mo sa akin.
5
At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyo rin ng kaluwalhatiang aking tinamo sa
iyo bago ang sanglibutan ay naging gayon.
6
Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa
sanglibutan: sila'y iyo, at sila'y ibinigay mo sa akin; at tinupad nila ang
iyong salita.
7
Ngayon ay nangakilala nila na ang lahat ng mga bagay na sa akin ay ibinigay mo
ay mula sa iyo:
8
Sapagka't ang mga salitang sa akin ay ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; at
kanilang tinanggap, at nangakilala nilang tunay na nagbuhat ako sa iyo, at
nagsipaniwalang ikaw ang nagsugo sa akin.
9
Idinadalangin ko sila: hindi ang sanglibutan ang idinadalangin ko, kundi yaong
mga sa akin ay ibinigay mo; sapagka't sila'y iyo:
10
At ang lahat ng mga bagay ay iyo, at ang mga iyo ay akin: at ako'y lumuluwalhati
sa kanila.
11
At wala na ako sa sanglibutan, at ang mga ito ay nasa sanglibutan, at ako'y
paririyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga
ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin.
12
Samantalang ako'y sumasa kanila, ay iningatan ko sila sa iyong pangalan yaong
mga ibinigay mo sa akin: at sila'y binantayan ko, at isa man sa kanila'y walang
napahamak, kundi ang anak ng kapahamakan; upang matupad ang kasulatan.
13
Nguni't ngayon ay napaririyan ako sa iyo; at sinasalita ko ang mga bagay na ito
sa sanglibutan, upang sila'y mangagtamo ng aking kagalakang ganap sa kanila rin.
14
Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita: at kinapootan sila ng sanglibutan,
sapagka't hindi sila taga sanglibutan, gaya ko naman na hindi taga sanglibutan.
15
Hindi ko idinadalangin na alisin mo sila sa sanglibutan, kundi ingatan mo sila
mula sa masama.
16
Hindi sila taga sanglibutan, na gaya ko naman na hindi taga sanglibutan.
17
Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan.
18
Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanglibutan, sila'y gayon ding sinusugo ko sa
sanglibutan.
19
At dahil sa kanila'y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay
mangagpakabanal sa katotohanan.
20
Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga
nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita;
21
Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako'y sa iyo, na
sila nama'y suma atin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo
mo.
22
At ang kaluwalhatiang sa aki'y ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; upang
sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa;
23
Ako'y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila'y malubos sa pagkakaisa; upang
makilala ng sanglibutan na ikaw ang sa akin ay nagsugo, at sila'y iyong inibig,
na gaya ko na inibig mo.
24
Ama, yaong mga ibinigay mo sa akin ay ibig ko kung saan ako naroroon, sila naman
ay dumoong kasama ko, upang makita nila ang kaluwalhatian ko, na ibinigay mo sa
akin: sapagka't ako'y iyong inibig bago natatag ang sanglibutan.
25
Oh Amang banal, hindi ka nakikilala ng sanglibutan, nguni't nakikilala kita; at
nakikilala ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin;
26
At ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan, at ipakikilala ko; upang ang
pagibig na sa akin ay iniibig mo ay mapasa kanila, at ako'y sa kanila.
— Juan 17:1-26
(Ang
Biblia 1905 / Ang Dating Biblia)
Basahin sa
salin na Ang Salita Ng Diyos [SND] 1998
(Tagalog New Testament) ng Bibles International
Payak Na Paraan Ng Diyos Ukol Sa Kaligtasan
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment