1
Nangyari nga nang dumaraan siya sa mga trigohan nang isang sabbath, ay kumitil
ng mga uhay ang mga alagad niya, at kinakain pagkaligis sa kanilang mga kamay.
2
Datapuwa't sinabi ng ilan sa mga Fariseo, Bakit ginagawa ninyo ang di matuwid
gawin sa araw ng sabbath?
3
At pagsagot sa kanila ni Jesus ay sinabi, Hindi baga nabasa ninyo ang ginawa ni
David, nang siya'y magutom, siya, at ang mga kasamahan niya;
4
Kung paanong siya'y pumasok sa bahay ng Dios, at kumain ng mga tinapay na handog,
at binigyan pati ang kaniyang mga kasamahan; na hindi naaayon sa kautusan na
kanin ninoman kundi ng mga saserdote lamang?
5
At sinabi niya sa kanila, Ang Anak ng tao ay panginoon ng sabbath.
6
At nangyari nang ibang sabbath, na siya'y pumasok sa sinagoga at nagturo: at
doo'y may isang lalake, at tuyo ang kaniyang kanang kamay.
7
At inaabangan siya ng mga eskriba at ng mga Fariseo, kung siya'y magpapagaling
sa sabbath; upang makasumpong sila ng paraan na siya'y maisakdal.
8
Datapuwa't nalalaman niya ang kanilang mga kaisipan; at sinabi niya sa lalake na
tuyo ang kamay, Magtindig ka at tumayo ka sa gitna. At siya'y nagtindig at
tumayo.
9
At sinabi sa kanila ni Jesus, Itinatanong ko sa inyo, Matuwid bagang gumawa ng
magaling, o gumawa ng masama kung sabbath? magligtas ng isang buhay o pumuksa?
10
At minamasdan niya silang lahat sa palibotlibot, at sinabi sa kaniya, Iunat mo
ang iyong kamay. At ginawa niyang gayon; at gumaling ang kaniyang kamay.
11
Datapuwa't sila'y nangapuno ng galit; at nangagsangusapan, kung ano ang kanilang
magagawang laban kay Jesus.
12
At nangyari nang mga araw na ito, na siya'y napasa bundok upang manalangin; at
sa buong magdamag ay nanatili siya sa pananalangin sa Dios.
13
At nang araw na, ay tinawag niya ang kaniyang mga alagad; at siya'y humirang ng
labingdalawa sa kanila, na tinawag naman niyang mga apostol:
14
Si Simon, na tinawag naman niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, at si
Santiago at si Juan, at si Felipe at si Bartolome.
15
At si Mateo at si Tomas, at si Santiago anak ni Alfeo, at si Simon, na tinatawag
na Masikap,
16
At si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging lilo;
17
At bumaba siya na kasama nila, at tumigil sa isang patag na dako, at ang lubhang
marami sa mga alagad niya, at ang lubhang malaking bilang ng mga tao mula sa
buong Judea at sa Jerusalem, at sa pangpangin ng dagat ng Tiro at Sidon, na
nangagsidalo upang magsipakinig sa kaniya, at upang pagalingin sa kanilang mga
sakit;
18
Ang mga pinahihirapan ng mga espiritung karumaldumal ay pinagagaling.
19
At pinagpipilitan ng buong karamihan na siya'y mahipo; sapagka't lumalabas sa
kaniya ang makapangyarihang bisa, at nagpapagaling sa lahat.
20
At itiningin niya ang kaniyang mga mata sa kaniyang mga alagad, at sinabi,
Mapapalad kayong mga dukha: sapagka't inyo ang kaharian ng Dios.
21
Mapapalad kayong nangagugutom ngayon: sapagka't kayo'y bubusugin. Mapapalad
kayong nagsisitangis ngayon: sapagka't kayo'y magsisitawa.
22
Mapapalad kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, at kung kayo'y ihiwalay nila, at
kayo'y alimurahin, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masasama, dahil sa
Anak ng tao.
23
Mangagalak kayo sa araw na yaon, at magsilukso kayo sa kagalakan; sapagka't
narito, ang ganti sa inyo'y malaki sa langit; sapagka't sa gayon ding paraan ang
ginawa ng kanilang mga magulang sa mga propeta.
24
Datapuwa't sa aba ninyong mayayaman! sapagka't tinanggap na ninyo ang inyong
kaaliwan.
25
Sa aba ninyo mga busog ngayon! sapagka't kayo'y mangagugutom. Sa aba ninyong
nagsisitawa ngayon! sapagka't kayo'y magsisitaghoy at magsisitangis.
26
Sa aba ninyo, pagka ang lahat ng mga tao ay mangagsalita ng magaling tungkol sa
inyo! sapagka't sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga
bulaang propeta.
27
Datapuwa't sinasabi ko sa inyong nangakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga
kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang nangapopoot sa inyo,
28
Pagpalain ninyo ang sa inyo'y sumusumpa at ipanalangin ninyo ang sa inyo'y
lumalait.
29
Sa sumampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo naman ang kabila; at ang sa iyo'y
magalis ng iyong balabal, huwag mong itanggi pati ng iyong tunika.
30
Bigyan mo ang bawa't sa iyo'y humihingi; at sa kumuha ng pag-aari mo, ay huwag
mong hinging muli.
31
At kung ano ang ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gayon din ang gawin
ninyo sa kanila.
32
At kung kayo'y magsiibig sa mga nagsisiibig sa inyo, anong pasasalamat ang
inyong kakamtin? sapagka't ang mga makasalanan man ay nagsisiibig sa nagsisiibig
sa kanila.
33
At kung magsigawa kayo ng mabuti sa nagsisigawa sa inyo ng mabuti, anong
pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka't ganito rin ang ginagawa ng mga
makasalanan.
34
At kung kayo'y mangagpahiram doon sa mga inaasahan ninyong may tatanggapin,
anong pasasalamat ang inyong kakamtin? ang mga makasalanan man ay
nangagpapahiram sa mga makasalanan, upang muling magsitanggap ng gayon din.
35
Datapuwa't ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ninyo sila ng mabuti, at
mangagpahiram kayo, na kailan man ay huwag mawawalan ng pagasa; at malaki ang sa
inyo'y magiging ganti, at kayo'y magiging mga anak ng Kataastaasan: sapagka't
siya'y magandang-loob sa mga walang turing at sa masasama.
36
Magmaawain kayo, gaya naman ng inyong Ama na maawain.
37
At huwag kayong mangagsihatol, at hindi kayo hahatulan: at huwag kayong
mangagparusa, at hindi kayo parurusahan: mangagpalaya kayo, at kayo'y palalayain:
38
Mangagbigay kayo, at kayo'y bibigyan; takal na mabuti, pikpik, liglig, at
umaapaw, ay ibibigay nila sa inyong kandungan. Sapagka't sa panukat na inyong
isukat ay doon kayo muling susukatin.
39
At sinabi naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Mangyayari bagang umakay
ang bulag sa bulag? di baga sila mangabubulid kapuwa sa hukay?
40
Hindi higit ang alagad sa kaniyang guro: datapuwa't ang bawa't isa, pagka naging
sakdal, ay nagiging katulad ng kaniyang guro.
41
At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, datapuwa't
hindi mo pinupuna ang tahilan na nasa iyong sariling mata?
42
O paanong masasabi mo sa iyong kapatid, Kapatid, pabayaan mong alisin ko ang
puwing na nasa iyong mata, kundi mo nakikita ang tahilan na nasa iyong sariling
mata? Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan na nasa iyong sariling
mata, kung magkagayo'y makikita mong malinaw ang pagaalis ng puwing na nasa mata
ng iyong kapatid.
43
Sapagka't walang mabuting punong kahoy na nagbubunga ng masama; at wala rin
naman masamang punong kahoy na nagbubunga ng mabuti.
44
Sapagka't bawa't punong kahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga.
Sapagka't ang mga tao ay di nangakapuputi ng mga igos sa mga dawag, at di
nangakapuputi ng ubas sa mga tinikan.
45
Ang mabuting tao ay kumukuha ng kagalingan sa mabubuting kayamanan ng kaniyang
puso; at ang masamang tao'y kumukuha ng kasamaan sa masamang kayamanan:
sapagka't sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.
46
At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga
bagay na aking sinasabi?
47
Ang bawa't lumalapit sa akin, at pinakikinggan ang aking mga salita, at ginagawa,
ituturo ko sa inyo kung sino ang katulad:
48
Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay at pinakalalim, at
inilagay ang patibayan sa bato: at nang dumating ang isang baha, ay hinampas ng
agos ang bahay na yaon, at hindi nakilos; sapagka't natitirik na mabuti.
49
Datapuwa't ang dumirinig, at hindi ginagawa, ay tulad sa isang tao na nagtayo ng
bahay sa lupa, na walang patibayan; laban sa yaon ay hinampas ng agos, at
pagdaka'y nagiba; at malaki ang naging kasiraan ng bahay na yaon.
— Lucas 6:1-49
(Ang
Biblia 1905 / Ang Dating Biblia)
Basahin sa
salin na Ang Salita Ng Diyos [SND] 1998
(Tagalog New Testament) ng Bibles International
Payak Na Paraan Ng Diyos Ukol Sa Kaligtasan
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment