1
At nang makaraan ang sabbath, si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago,
at si Salome, ay nagsibili ng mga pabango, upang sila'y magsiparoon at siya'y
pahiran.
2
At pagkaumagang-umaga nang unang araw ng sanglinggo, ay nagsiparoon sila sa
libingan nang sikat na ang araw.
3
At kanilang pinaguusapan, Sino kaya ang ating mapagpapagulong ng bato mula sa
pintuan ng libingan?
4
At pagkatingin, ay nakita nilang naigulong na ang bato: sapagka't yao'y totoong
malaki.
5
At pagkapasok sa libingan, ay kanilang nakita ang isang binata na nakaupo sa
dakong kanan, na nararamtan ng isang damit na maputi; at sila'y nangagitla.
6
At sinabi niya sa kanila, Huwag kayong mangagitla: hinahanap ninyo si Jesus, ang
Nazareno, na ipinako sa krus: siya'y nagbangon; wala siya rito: tingnan ninyo
ang dakong pinaglagyan nila sa kaniya!
7
Datapuwa't magsiyaon kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro,
Siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea: doon siya makikita, ayon sa sinabi niya sa
inyo.
8
At sila'y nagsilabas, at nagsitakas mula sa libingan; sapagka't sila'y
nagsipangilabot at nangagitla: at hindi sila nangagsasabi ng anoman sa kanino
man; sapagka't sila'y nangatatakot.
9
Nang siya nga'y magbangon nang unang araw ng sanglinggo, ay napakita muna siya
kay Maria Magdalena, na sa kaniya'y pitong demonio ang pinalabas niya.
10
Siya'y yumaon at ipinagbigay alam sa mga naging kasamahan ni Jesus, samantalang
sila'y nangahahapis at nagsisitangis.
11
At sila, nang kanilang mabalitaan na siya'y nabuhay, at nakita ni Magdalena, ay
hindi sila nagsipaniwala.
12
At pagkatapos ng mga bagay na ito ay napakita siya sa ibang anyo sa dalawa sa
kanila, nang sila'y nangaglalakad na patungo sa bukid.
13
At sila'y nagsiyaon at ipinagbigay-alam ito sa mga iba: at kahit sa kanila'y
hindi rin sila nagsipaniwala.
14
At pagkatapos siya'y napakita sa labingisa samantalang sila'y nangakaupong
nagsisikain; at pinagwikaan sila sa kawalan nila ng pananampalataya at katigasan
ng puso, sapagka't hindi sila nagsipaniwala sa nangakakita sa kaniya pagkatapos
na siya'y magbangon.
15
At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong
ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.
16
Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi
sumasampalataya ay parurusahan.
17
At lalakip ang mga tandang ito sa magsisisampalataya: mangagpapalabas sila ng
mga demonio sa aking pangalan; mangagsasalita sila ng mga bagong wika;
18
Sila'y magsisihawak ng mga ahas, at kung magsiinom sila ng bagay na makamamatay,
sa anomang paraan ay hindi makasasama sa kanila; ipapatong nila ang kanilang mga
kamay sa mga may-sakit, at sila'y magsisigaling.
19
Ang Panginoong Jesus nga, pagkatapos na sila'y mangakausap niya, ay tinanggap sa
itaas ng langit, at lumuklok sa kanan ng Dios.
20
At nagsialis sila, at nagsipangaral sa lahat ng dako, na gumagawang kasama nila
ang Panginoon, at pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang
kalakip. Siya nawa.
—
Marcos 16:1-20
(Ang
Biblia 1905 / Ang Dating Biblia)
Basahin sa
salin na Ang Salita Ng Diyos [SND] 1998
(Tagalog New Testament) ng Bibles International
Payak Na Paraan Ng Diyos Ukol Sa Kaligtasan
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment