1
Nang ipanganak nga si Jesus sa Bet-lehem ng Judea sa mga kaarawan ng haring si
Herodes, narito, ang mga Pantas na lalake ay nagsidating sa Jerusalem mula sa
silanganan, na nagsisipagsabi,
2
Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio? sapagka't aming nakita ang
kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya'y sambahin.
3
Nang marinig ito ng haring si Herodes, ay nagulumihanan siya, at pati ng buong
Jerusalem.
4
At pagkatipon sa lahat ng mga pangulong saserdote at mga eskriba ng bayan, ay
siniyasat niya sa kanila kung saan kaya ipanganganak ang Cristo.
5
At sinabi nila sa kaniya, sa Bet-lehem ng Judea: sapagka't ganito ang pagkasulat
ng propeta,
6
At ikaw Bet-lehem, na lupa ng Juda, Sa anomang paraan ay hindi ikaw ang
pinakamaliit sa mga pangulong bayan ng Juda: Sapagka't mula sa iyo'y lalabas ang
isang gobernador, Na siyang magiging pastor ng aking bayang Israel.
7
Nang magkagayo'y tinawag ni Herodes ng lihim ang mga Pantas na lalake, at
kaniyang siniyasat ng buong ingat sa kanila ang panahong isinilang ng bituin.
8
At pinayaon niya sila sa Bet-lehem, at sinabi, Kayo'y magsiparoon at ipagtanong
ng buong ingat ang tungkol sa sanggol; at pagkasumpong ninyo sa kaniya, ay
ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako nama'y makaparoon at siya'y aking
sambahin.
9
At sila, pagkarinig sa hari ay nagsiyaon ng kanilang lakad; at narito, ang
bituing kanilang nakita sa silanganan, ay nanguna sa kanila hanggang sa sumapit
at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol.
10
At nang makita nila ang bituin, ay nangagalak sila ng di kawasang galak.
11
At nagsipasok sila sa bahay, at nangakita nila ang sanggol na kasama ng kaniyang
inang si Maria; at nangagpatirapa sila at nangagsisamba sa kaniya; at pagkabukas
nila ng kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kaniya ang mga alay, na
ginto at kamangyan at mira.
12
At palibhasa'y pinagsabihan sila ng Dios sa panaginip na huwag silang
mangagbalik kay Herodes, ay nangagsiuwi sila sa kanilang sariling lupain sa
ibang daan.
13
Nang mangakaalis nga sila, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita kay
Jose sa panaginip, na nagsasabi, Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang
kaniyang ina, at tumakas ka hanggang sa Egipto, at dumoon ka hanggang sa sabihin
ko sa iyo: sapagka't hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya'y puksain.
14
At siya'y nagbangon at dinala ang sanggol at ang ina nito sa kinagabihan, at
napasa Egipto;
15
At dumoon hanggang sa pagkamatay ni Herodes: upang maganap ang sinabi ng
Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, Mula sa Egipto ay tinawag ko
ang aking anak.
16
Nang magkagayon, nang mapansin ni Herodes na siya'y pinaglaruan ng mga Pantas na
lalake, ay nagalit na mainam, at nagutos, at ipinapatay ang lahat ng mga sanggol
na lalake na nangasa Bet-lehem, at sa buong palibotlibot noon, mula sa gulang na
dalawang taon hanggang sa pababa, alinsunod sa panahon ng kaniyang maingat na
pagkasiyasat sa mga Pantas na lalake.
17
Nang magkagayo'y naganap ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias, na
nagsasabi,
18
Isang tinig ay narinig sa Rama, Pananangis at kalagimlagim na iyak, Tinatangisan
ni Raquel ang kaniyang mga anak; At ayaw na siyang maaliw, sapagka't sila'y wala
na.
19
Nguni't pagkamatay ni Herodes, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita
sa panaginip kay Jose sa Egipto, na nagsasabi,
20
Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo ka sa
lupain ng Israel: sapagka't nangamatay na ang nangagmimithi sa buhay ng sanggol.
21
At nagbangon siya at dinala ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo sa
lupa ng Israel.
22
Datapuwa't nang mabalitaan niya na si Arquelao ang naghahari sa Judea na
kahalili ng kaniyang amang si Herodes, ay natakot siyang pumatungo roon; at
palibhasa'y pinagsabihan ng Dios sa panaginip, ay napatungo siya sa mga sakop ng
Galilea,
23
At siya'y dumating at tumahan sa isang bayang tinatawag na Nazaret; upang
maganap ang mga sinalita ng mga propeta, na siya'y tatawaging Nazareno.
—
Mateo 2:1-23
(Ang
Biblia 1905 / Ang Dating Biblia)
Basahin sa
salin na Ang Salita Ng Diyos [SND] 1998
(Tagalog New Testament) ng Bibles International
Payak Na Paraan Ng Diyos Ukol Sa Kaligtasan
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment