1
At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na
gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Dios at ng Cordero,
2
Sa gitna ng lansangang yaon. At sa dako rito ng ilog, at sa ibayo nito, naroon
ang punong kahoy ng buhay, na namumunga ng labingdalawang iba't ibang bunga, na
namumunga sa bawa't buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay pangpagaling sa
mga bansa.
3
At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay
naroroon: at siya'y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin;
4
At makikita nila ang kaniyang mukha; at ang kaniyang pangalan ay sasa kanilang
mga noo.
5
At hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag
ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw; sapagka't liliwanagan sila ng Panginoong
Dios: at sila'y maghahari magpakailan kailan man.
6
At sinabi niya sa akin, Ang mga salitang ito'y tapat at tunay, at ang Panginoon,
ang Dios ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kaniyang anghel upang
ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari madali.
7
At narito, ako'y madaling pumaparito. Mapalad ang tumutupad ng mga salita ng
hula ng aklat na ito.
8
At akong si Juan, ako ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang
aking marinig at makita, ay nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel
na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito.
9
At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin
at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng
aklat na ito: sumamba ka sa Dios.
10
At sinasabi niya sa akin, Huwag mong tatakan ang mga salita ng hula ng aklat na
ito; sapagka't malapit na ang panahon.
11
Ang liko, ay magpakaliko pa: at ang marumi, ay magpakarumi pa: at ang matuwid,
ay magpakatuwid pa: at ang banal, ay magpakabanal pa.
12
Narito, ako'y madaling pumaparito; at ang aking ganting-pala ay nasa akin, upang
bigyan ng kagantihan ang bawa't isa ayon sa kaniyang gawa.
13
Ako ang Alpha at ang Omega, at ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.
14
Mapapalad ang nangaghuhugas ng kanilang damit, upang sila'y magkaroon ng
karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga
pintuan.
15
Nangasa labas ang mga aso, at ang mga manggagaway, at ang mga mapakiapid, at ang
mga mamamatay-tao, at ang mga mapagsamba sa diosdiosan, at ang bawa't nagiibig
at gumagawa ng kasinungalingan.
16
Akong si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo'y magpatotoo ng mga
bagay na ito sa mga iglesia. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang
maningning na tala sa umaga.
17
At ang Espiritu at ang kasintahang babae ay nagsasabi, Halika. At ang nakikinig
ay magsabi, Halika. At ang nauuhaw, ay pumarito: ang may ibig ay kumuhang walang
bayad ng tubig ng buhay.
18
Aking sinasaksihan sa bawa't taong nakikinig sa mga salita ng hula ng aklat na
ito, Kung ang sinoman ay magdagdag sa mga ito, ay daragdagan siya ng Dios ng mga
salot na nakasulat sa aklat na ito:
19
At kung ang sinoman ay magalis sa mga salita ng aklat ng hulang ito, ay aalisin
ng Dios ang kaniyang bahagi sa punong kahoy ng buhay, at sa bayang banal, na
nangakasulat sa aklat na ito.
20
Ang sumasaksi sa mga bagay na ito ay nagsasabi, Oo: ako'y madaling pumaparito.
Siya nawa: pumarito ka Panginoong Jesus.
21
Ang biyaya ng Panginoong Jesus ay mapasa mga banal nawa. Siya nawa.
— Pahayag 21:1-27
(Ang
Biblia 1905 / Ang Dating Biblia)
Basahin sa
salin na Ang Salita Ng Diyos [SND] 1998
(Tagalog New Testament) ng Bibles International
Payak Na Paraan Ng Diyos Ukol Sa Kaligtasan
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment