1
Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay humirang din ng pitumpung iba
pa. Sinugo niya sila ng dala-dalawa sa kaniyang unahan. Sinugo niya sila sa
bawat lungsod at dako na kaniyang pupuntahan.
2
Sinabi nga niya sa kanila: Ang aanihin ay totoong marami ngunit ang manggagawa
ay kakaunti. Ipamanhik nga ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng
mga manggagawa sa kaniyang mga aanihin.
3
Humayo kayo. Narito, sinusugo ko kayo tulad ng mga batang tupa sa kalagitnaan ng
mga lobo.
4
Huwag kayong magdala ng kalupi o bayong o panyapak. Huwag kayong bumati
kaninuman sa daan.
5
Sa alinmang bahay na inyong papasukan, sabihin muna ninyo: Kapayapaan ang
mapasabahay na ito.
6
Kapag ang anak ng kapayapaan ay naroroon, ang inyong kapayapaan ay mananatili
roon. Ngunit kung wala siya roon, ito ay babalik sa inyo.
7
Sa bahay ding iyon kayo manatili. Kainin at inumin ninyo ang anumang ibigay nila
sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang upa. Huwag kayong
magpalipat-lipat sa mga bahay-bahay.
8
Sa anumang lungsod na inyong papasukin at tinatanggap kayo, kainin ninyo ang mga
bagay na inihain sa inyo.
9
Pagalingin ninyo ang mga may sakit na naroroon. Sabihin ninyo sa kanila: Ang
paghahari ng Diyos ay dumating na sa inyo.
10
Sa alinmang lungsod na inyong papasukin at hindi kayo tinatanggap, lumabas kayo
sa mga daan nito.
11
Sabihin ninyo: Maging ang mga alikabok na nakakapit sa amin mula sa inyong
lungsod ay aming ipinapagpag laban sa inyo. Gayunman, alamin mo ito, ang
paghahari ng Diyos ay dumating na sa iyo.
12
Sinasabi ko sa inyo: Higit na magaan ang parusa sa lupain ng Sodoma sa araw na
iyon kaysa sa babatahin ng lungsod na iyon.
13
Sa aba mo, Corazin! Sa aba mo, Betsaida! Ito ay sapagkat kung ang mga
makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo ay ginawa sa Tiro at Sidon, matagal na
sana silang nagsisi na nakasuot ng magaspang na damit at nakaupo sa mga abo.
14
Sa pagdating ng paghuhukom, higit na magaan ang parusa ng Tiro at Sidon kaysa sa
babatahin ninyo.
15
Ikaw, Capernaum, na itinaas sa langit ay ibabagsak sa Hades.
16
Siya na dumirinig sa inyo ay dumirinig sa akin. Siya na tumatanggi sa inyo ay
tumatanggi sa akin. Siya na tumatanggi sa akin ay tumatanggi sa nagsugo sa akin.
17
Pagkatapos nito, ang pitumpu ay bumalik na may kagalakan. Kanilang sinasabi:
Panginoon, maging ang mga demonyo ay sumusunod sa amin sa pamamagitan ng iyong
pangalan.
18
Sinabi ni Jesus sa kanila: Nakita ko si Satanas na nahulog mula sa langit na
parang kidlat.
19
Narito, ibinibigay ko sa inyo ang kapamahalaan upang tapakan ang mga ahas at mga
alakdan at lahat ng kapangyarihan ng kaaway. Kailanman ay hindi kayo masasaktan
ng sinuman.
20
Gayunman, huwag ninyong ikagalak ang mga ito, na ang mga espiritu ay
nagpapasakop sa inyo. Ngunit ikagalak nga ninyo na ang inyong mga pangalan ay
nakasulat sa langit.
21
Sa oras ding iyon ay nagalak si Jesus sa espiritu. Sinabi niya: Pinupuri kita, O
Ama, Panginoon ng kalangitan at lupa. Itinago mo ang mga bagay na ito sa mga
pantas at sa matalino. Sa mga sanggol ay inihayag mo ito. Ganito ang ginawa mo
Ama, dahil ito ay lubos na nakakalugod sa harapan mo.
22
Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay na sa akin ng Ama. Walang nakakaalam kung
sino ang Anak maliban sa Ama. Walang nakakaalam kung sino ang Ama maliban sa
Anak at sa sinumang ibig pagpahayagan ng Anak.
23
Pagharap niya sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila nang bukod:
Pinagpala ang mga matang nakakakita ng mga bagay na nakikita ninyo.
24
Sapagkat sinasabi ko nga sa inyo: Maraming propeta at hari ang naghangad na
makita ang inyong nakikita at hindi nila ito nakita. Hinangad nilang marinig ang
inyong naririnig at hindi nila ito narinig.
25
Narito, isang dalubhasa sa kautusan ang tumayo na sinusubok siya at sinasabi:
Guro, anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay?
26
Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ang pagkabasa
mo rito?
27
Sumagot siya at sinabi: Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo at
ng buong kaluluwa mo at ng buong lakas mo at ng buong isip mo. Ibigin mo ang
iyong kapwa tulad ng iyong sarili.
28
Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at ikaw ay mabubuhay.
29
Sa kaniyang pagnanais na maipakitang matuwid ang kaniyang sarili, sinabi niya
kay Jesus: Sino ang aking kapwa?
30
Bilang tugon, sinabi ni Jesus: Isang lalaki ang bumaba mula sa Jerusalem
patungong Jerico. Siya ay nahulog sa kamay ng mga tulisan. Pagkatapos nila
siyang hubaran at sugatan, sila ay umalis. Iniwan nila siyang nag-aagaw-buhay.
31
Nagkataong isang saserdote ang lumusong sa daang iyon. Pagkakita nito sa kaniya,
ang saserdote ay dumaan sa kabilang tabi.
32
Gayundin naman, isang Levita, na nang mapadako roon ay pumunta at tiningnan
siya. Pagkatapos nito, siya ay dumaan sa kabilang tabi.
33
May isang naglalakbay na taga-Samaria na lumapit sa kaniya. Pagkakita sa
kaniya, ang taga-Samaria ay nahabag sa kaniya.
34
Paglapit niya sa kaniya, binuhusan niya ng langis at alak ang kaniyang mga
sugat at tinalian niya ang mga ito. Ang lalaking sugatan ay isinakay niya sa
kaniyang sariling hayop at dinala siya sa isang bahay-tuluyan at inalagaan siya.
35
Kinabukasan, sa pag-alis ng taga-Samaria, siya ay naglabas ng dalawang
denaryo. Ibinigay niya ito sa tagapamahala ng bahay-tuluyan. Sinabi niya sa
kaniya: Alagaan mo siya. Anumang iyong magugugol nang higit ay babayaran ko sa
iyo sa aking pagbababalik.
36
Sino sa tatlong ito ang sa palagay mo ay naging kapwa ng lalaking nahulog sa
mga kamay ng mga tulisan?
37
Sinabi niya: Siya na nagpakita ng habag sa kaniya. Sinabi nga ni Jesus sa
kaniya: Humayo ka at gawin mo ang gayon.
38
Nangyari, nang sila ay nagpatuloy, na siya ay pumasok sa isang nayon. Isang
babaeng nagngangalang Marta ang tumanggap sa kaniya sa kaniyang bahay.
39
Siya ay may kapatid na babaeng tinatawag na Maria, na umupo sa paanan ni
Jesus. Sa pag-upo ni Maria, siya ay nakinig sa salita ni Jesus.
40
Si Marta ay abalang-abala sa maraming paglilingkod. Lumapit siya kay Jesus at
sinabi: Panginoon, hindi ba mahalaga sa iyo na iwanan ako ng aking kapatid na
naglilingkod na mag-isa? Sabihin mo nga sa kaniya na tulungan ako.
41
Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Marta, Marta, ikaw ay nababalisa at
nababagabag sa maraming mga bagay.
42
Mayroong isang kinakailangan at pinili ni Maria ang mabuting bahagi na hindi
makukuha sa kaniya.
— Lucas 10:1-42
(Ang Salita ng Diyos [SND] - Copyright © 1998 by
Bibles
International)
Labels: Iniisip mo na parang malayo and Diyos, Ang Talinghaga tungkol sa Mabuting Samaritano
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment