1
Ang lahat ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kaniya
upang makinig.
2
Ang mga Fariseo at mga guro ng kautusan ay nagbulung-bulungan. Sinasabi nila:
Tinatanggap nito ang mga makasalanan at kumakaing kasama nila.
3
Sinabi ni Jesus ang talinghagang ito sa kanila.
4
Sino sa inyo ang may isandaang tupa at nawala ang isa, hindi ba niya iiwanan ang
siyamnapu't siyam sa ilang at hanapin ang nawawalang tupa hanggang makita ito?
5
Kapag nakita niya, papasanin niya ito sa kaniyang balikat na nagagalak.
6
Pagdating niya sa bahay, tatawagin niyang sama-sama ang kaniyang mga kaibigan at
mga kapit-bahay. Sasabihin niya sa kanila: Makigalak kayo sa akin sapagkat
natagpuan ko na ang nawala kong tupa.
7
Sinasabi ko sa inyo: Sa gayunding paraan magkakaroon ng kagalakan sa langit sa
isang makasalanang nagsisi. Ang kagalakang ito ay higit pa kaysa
siyamnapu't-siyam na mga matuwid na hindi kailangang magsisi.
8
O sino ngang babae ang may sampung pirasong pilak at mawala niya ang isa, hindi
ba siya magsisindi ng ilawan at magwawalis sa bahay at maingat siyang maghahanap,
hanggang makita niya ito?
9
Kapag nakita niya ito, tatawagin niya ang kaniyang mga kaibigan at kapit-bahay.
Sasabihin niya: Makigalak kayo sa akin dahil nakita ko na ang aking pilak na
nawala.
10
Sinasabi ko sa inyo: Sa gayunding paraan magkakaroon ng kagalakan sa harap ng
mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.
11
Sinabi niya: May isang lalaking may dalawang anak na lalaki.
12
Ang nakakabatang anak ay nagsabi sa kaniyang ama: Ama, ibigay mo sa akin ang
bahagi ng mga ari-arian na nauukol sa akin. Binahagi ng ama sa kanila ang
kaniyang kabuhayan.
13
Lumipas ang ilang araw, pagkatipon ng lahat ng sa kaniya, ang nakakabatang anak
na lalaki ay umalis. Nagtungo siya sa isang malayong lupain at doon nilustay ang
kaniyang ari-arian. Siya ay namuhay ng magulong pamumuhay.
14
Ngunit nang magugol na niya ang lahat, nagkaroon ng isang matinding taggutom sa
lupaing iyon at nagsimula siyang mangailangan.
15
Humayo siya at sumama sa isang mamamayan ng lupaing iyon. At siya ay sinugo niya
sa mga bukirin upang magpakain ng mga baboy.
16
Mahigpit niyang hinangad na kumain ng mga bunga ng punong-kahoy na ipinakakain
sa mga baboy sapagkat walang sinumang nagbigay sa kaniya.
17
Nang manauli ang kaniyang kaisipan, sinabi niya: Ang aking ama ay maraming
upahang utusan. Sagana sila sa tinapay samantalang ako ay namamatay dahil sa
gutom.
18
Tatayo ako at pupunta ako sa aking ama. Sasabihin ko sa kaniya: Ama, nagkasala
ako laban sa langit at sa iyong paningin.
19
Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Gawin mo akong isa sa iyong mga
upahang utusan.
20
Sa pagtayo niya, pumunta siya sa kaniyang ama, ngunit malayo pa siya ay nakita
na siya ng kaniyang ama at ito ay nahabag sa kaniya. Ang ama ay tumakbo at
niyakap at hinagkan siya.
21
Sinabi ng anak sa kaniya: Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyong
paningin. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.
22
Gayunman, sinabi ng ama sa kaniyang mga alipin: Dalhin ninyo ang pinakamainam na
kasuotan at isuot ninyo sa kaniya. Magbigay kayo ng singsing para sa kaniyang
kamay at panyapak para sa kaniyang mga paa.
23
Magdala kayo ng pinatabang guya at katayin ito. Tayo ay kakain at magsaya.
24
Ito ay sapagkat ang anak kong ito ay namatay at muling nabuhay. Siya ay nawala
at natagpuan. Sila ay nagsimulang magsaya.
25
At ang nakakatanda niyang anak ay nasa bukid. Nang siya ay dumarating at
malapit na sa bahay, nakarinig siya ng tugtugin at sayawan.
26
Tinawag niya ang isa sa kaniyang mga lingkod. Tinanong niya kung ano ang ibig
sabihin ng mga bagay na ito.
27
Sinabi ng lingkod sa kaniya: Dumating ang kapatid mo. Nagpakatay ng
pinatabang guya ang iyong ama sapagkat ang kapatid mo ay natanggap niyang ligtas
at malusog.
28
Nagalit siya at ayaw niyang pumasok. Dahil dito lumabas ang kaniyang ama at
namanhik sa kaniya.
29
Sumagot siya sa kaniyang ama. Sinabi niya: Narito, naglingkod ako sa iyo ng
maraming taon. Kahit minsan ay hindi ako sumalangsang sa iyong utos. Kahit
minsan ay hindi mo ako binigyan ng maliit na kambing upang makipagsaya akong
kasama ng aking mga kaibigan.
30
Nang dumating itong anak mo, nagpakatay ka para sa kaniya ng pinatabang guya.
Siya ang nag-aksaya ng iyong kabuhayan kasama ng mga patutot.
31
Sinabi ng ama sa kaniya: Anak, lagi kitang kasama at lahat ng akin ay sa iyo.
32
Ang magsaya at magalak ay kailangan sapagkat ang kapatid mong ito ay namatay
at muling nabuhay. Siya ay nawala at natagpuan.
— Lucas 15:1-32
(Ang Salita ng Diyos [SND] - Copyright © 1998 by
Bibles
International)
SAAN HAHANAPIN SA BIBLIA:
KAPAG...
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment