1
Kung ako'y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, datapuwa't wala
akong pagibig, ay ako'y naging tanso na tumutunog, o batingaw na umaalingawngaw.
2
At kung magkaroon ako ng kaloob na panghuhula, at maalaman ko ang lahat ng mga
hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman; at kung magkaroon ako ng buong
pananampalataya, na ano pa't mapalipat ko ang mga bundok, datapuwa't wala akong
pagibig, ay wala akong kabuluhan.
3
At kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking mga tinatangkilik upang ipakain sa mga
dukha, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, datapuwa't wala akong
pagibig, ay walang pakikinabangin sa akin.
4
Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi
nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.
5
Hindi naguugaling mahalay, hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot,
hindi inaalumana ang masama;
6
Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan;
7
Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay
tinitiis.
8
Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man: kahit maging mga hula, ay
mangatatapos; maging mga wika, ay titigil: maging kaalaman, ay mawawala.
9
Sapagka't nangakakakilala tayo ng bahagya, at nanganghuhula tayo ng bahagya;
10
Datapuwa't kung dumating ang sakdal, ang bahagya ay matatapos.
11
Nang ako'y bata pa, ay nagsasalita akong gaya ng bata, nagdaramdam akong gaya ng
bata, nagiisip akong gaya ng bata: ngayong maganap ang aking pagkatao, ay iniwan
ko na ang mga bagay ng pagkabata.
12
Sapagka't ngayo'y malabo tayong nakakikita sa isang salamin; nguni't pagkatapos
ay makikita natin sa mukhaan: ngayo'y nakikilala ko ng bahagya, nguni't
pagkatapos ay makikilala ko ng gaya naman ng pagkakilala sa akin.
13
Datapuwa't ngayo'y nanatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, ang pagasa, at
ang pagibig; nguni't ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig.
— 1 Mga Taga-Corinto 13:1-13
(Ang
Biblia 1905 / Ang Dating Biblia)
Basahin sa
salin na Ang Salita Ng Diyos [SND] 1998
(Tagalog New Testament) ng Bibles International
Payak Na Paraan Ng Diyos Ukol Sa Kaligtasan
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment