1
Si Pedro, na apostol ni Jesucristo, sa mga hinirang na nangingibang bayan na
nasa Pangangalat sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia at Bitinia,
2
Ayon sa paunang kaalaman ng Dios Ama, sa pagpabanal ng Espiritu, upang
magsitalima at mangawisikan ng dugo ni Jesucristo: Biyaya at kapayapaan nawa ang
sa inyo'y sumagana.
3
Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na ayon sa kaniyang
malaking awa ay ipinanganak na muli tayo sa isang buhay na pagasa sa pamamagitan
ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo sa mga patay,
4
Sa isang manang di nasisira, at walang dungis, at hindi kumukupas, na inilaan sa
langit para sa inyo,
5
Na sa kapangyarihan ng Dios ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya sa
ikaliligtas na nahanda upang ihayag sa huling panahon.
6
Na ito ang inyong totoong ikinagagalak, bagama't ngayo'y sa sangdaling panahon,
kung kailangan, ay pinalumbay kayo sa muli't muling pagsubok,
7
Upang ang pagsubok sa inyong pananampalataya na lalong mahalaga kay sa ginto na
nasisira bagama't ito'y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay masumpungan sa
ikapupuri at ikaluluwalhati at ikararangal sa pagpapakahayag ni Jesucristo:
8
Na hindi ninyo nakita ay inyong iniibig; na bagama't ngayon ay hindi ninyo siya
nakikita, gayon ma'y inyong sinasampalatayanan, na kayo'y nangagagalak na totoo
na may galak na di masayod at puspos ng kaluwalhatian:
9
Na inyong tinatanggap ang layunin ng inyong pananampalataya, ang pagkaligtas ng
inyong mga kaluluwa.
10
Tungkol sa pagkaligtas na ito ay nagsikap at nagsiyasat na maigi ang mga propeta,
na nangagsihula tungkol sa biyayang dadating sa inyo:
11
Na sinisiyasat ang kahulugan kung ano at kailang panahon itinuro ng Espiritu ni
Cristo na sumasa kanila, nang patotohanan nang una ang mga pagbabata ni Cristo,
at ang mga kaluwalhatiang hahalili sa mga ito.
12
Na ipinahayag sa kanila, na hindi sa ganang kanilang sarili, kundi sa ganang
inyo, pinangasiwaan nila ang mga bagay na ito, na ngayo'y ibinalita sa inyo sa
pamamagitan ng mga nagsipangaral sa inyo ng evangelio sa pamamagitan ng Espiritu
Santo na sinugo mula sa langit; na ang mga bagay na ito'y ninanasang mamasdan ng
mga anghel.
13
Kaya't inyong bigkisan ang mga baywang ng inyong pagiisip, na maging mapagpigil
kayo at inyong ilagak na lubos ang inyong pagasa sa biyayang dadalhin sa inyo sa
pagkahayag ni Jesucristo;
14
Na gaya ng mga anak na matalimahin, na huwag kayong mangagasal na ayon sa inyong
dating mga masasamang pita nang kayo'y na sa kawalang kaalaman:
15
Nguni't yamang banal ang sa inyo'y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa
lahat ng paraan ng pamumuhay;
16
Sapagka't nasusulat, Kayo'y mangagpakabanal; sapagka't ako'y banal.
17
At kung inyong tinatawagan, na Ama, siyang walang itinatanging tao, na humahatol
ayon sa gawa ng bawa't isa, ay gugulin ninyo sa takot ang panahon ng inyong
pangingibang bayan:
18
Na inyong nalalamang kayo'y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak
o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa
inyo ng inyong mga magulang;
19
Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang
dungis, sa makatuwid baga'y ang dugo ni Cristo:
20
Na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, nguni't inihayag sa mga
huling panahon dahil sa inyo,
21
Na sa pamamagitan niya ay nanganampalataya kayo sa Dios, na sa kaniya'y bumuhay
na maguli sa mga patay, at sa kaniya'y nagbigay ng kaluwalhatian; upang ang
inyong pananampalataya at pagasa ay mapasa Dios.
22
Yamang nilinis ninyo ang mga kaluluwa sa inyong pagtalima sa katotohanan, sa
pagibig na hindi pakunwari sa mga kapatid, ay mangagibigan kayo ng buong ningas
ng inyong puso sa isa't isa:
23
Yamang ipinanganak kayong muli, hindi sa binhing nasisira, kundi sa walang
kasiraan, sa pamamagitan ng salita ng Dios na nabubuhay at namamalagi.
24
Sapagka't, Ang lahat ng laman ay gaya ng damo, At ang lahat ng kaniyang
karangalan ay gaya ng bulaklak ng damo. Ang damo'y natutuyo, at ang bulaklak ay
nalalanta:
25
Datapuwa't ang salita ng Panginoon ay namamalagi magpakailan man. At ito ang
salita ng mabubuting balita na ipinangaral sa inyo.
—
1 Pedro 1:1-25
(Ang
Biblia 1905 / Ang Dating Biblia)
Basahin sa
salin na Ang Salita Ng Diyos [SND] 1998
(Tagalog New Testament) ng Bibles International
Payak Na Paraan Ng Diyos Ukol Sa Kaligtasan
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment