1
Si Pablo, na apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at ang
kapatid nating si Timoteo,
2
Sa mga banal at tapat na mga kapatid kay Cristo, na nangasa sa Colosas: Sumainyo
nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama.
3
Nagpapasalamat kami sa Dios, na Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na kayo'y
laging idinadalangin,
4
Nang nabalitaan namin ng inyong pananampalataya kay Cristo Jesus, at ang pagibig
ninyo sa lahat ng mga banal,
5
Dahil sa pagasa na natataan para sa inyo sa langit, na nang una ay inyong
narinig sa salita ng katotohanan ng evangelio,
6
Na ito'y dumating sa inyo; gayon din naman kung paano sa buong sanglibutan na
namumunga at lumalaganap, gaya rin naman sa inyo, mula nang araw na inyong
marinig at maalaman ang biyaya ng Dios sa katotohanan;
7
Ayon sa inyong natutuhan kay Epafras na aming minamahal na kasamang lingkod, na
isang tapat na ministro ni Cristo, sa ganang atin;
8
Na siya rin namang sa amin ay nagbalita ng inyong pagibig sa Espiritu.
9
Dahil dito'y kami naman, mula nang araw na aming marinig ito, ay hindi kami
nagsisitigil ng pananalangin at ng paghingi na patungkol sa inyo, upang kayo'y
puspusin ng kaalaman ng kaniyang kalooban, sa buong karunungan at pagkaunawa
ayon sa espiritu,
10
Upang kayo'y magsilakad ng nararapat sa Panginoon, sa buong ikalulugod niya, at
magsipamunga sa bawa't gawang mabuti, at magsilago sa kaalaman ng Dios;
11
Na kayo'y palakasin ng buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng kaniyang
kaluwalhatian, sa buong pagtitiis at pagpapahinuhod na may galak;
12
Na nagpapasalamat sa Ama, na nagpaging dapat sa atin upang makabahagi sa mana ng
mga banal sa kaliwanagan;
13
Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin
sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig;
14
Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga
kasalanan:
15
Na siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga
nilalang;
16
Sapagka't sa kaniya nilalang ang lahat na mga bagay, sa sangkalangitan at sa
sangkalupaan, na mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di nakikita, maging
mga luklukan o mga pagsakop o mga pamunuan o mga kapangyarihan; lahat ng mga
bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya;
17
At siya'y una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nangabubuhay
dahil sa kaniya.
18
At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia; na siya ang pasimula,
ang panganay sa mga patay; upang sa lahat ng mga bagay, ay magkaroon siya ng
kadakilaan.
19
Sapagka't minagaling ng Ama na ang buong kapuspusan ay manahanan sa kaniya;
20
At sa pamamagitan niya ay pakipagkasunduin sa kaniya ang lahat ng mga bagay, na
pinapayapa niya sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang krus; sa pamamagitan niya,
sinasabi ko, maging mga bagay sa kalupaan, o mga bagay sa sangkalangitan.
21
At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong
pagiisip sa inyong mga gawang masasama.
22
Gayon ma'y pinakipagkasundo niya ngayon sa katawan ng kaniyang laman, sa
pamamagitan ng kamatayan, upang kayo'y iharap na mga banal at walang dungis at
walang kapintasan sa harapan niya:
23
Kung tunay na kayo'y mamamalagi sa pananampalataya, na nababaon at matitibay, at
di makilos sa pagasa sa evangelio na inyong narinig, na ipinangaral sa lahat ng
mga nilalang sa silong ng langit; na dito akong si Pablo ay ginawang ministro.
24
Ngayo'y nagagalak ako sa aking mga hirap dahil sa inyo, at aking pinupunan sa
akin ang kakulangan ng mga hirap ni Cristo sa aking laman dahil sa kaniyang
katawan, na siyang iglesia;
25
Na ako'y ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay
sa akin para sa inyo upang maipahayag ang salita ng Dios,
26
Maging ang hiwaga na inilihim sa lahat ng panahon at lahi: datapuwa't ngayo'y
ipinahayag sa kaniyang mga banal,
27
Na sa kanila'y minagaling ng Dios na ipakilala kung ano ang mga kayamanan ng
kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga Gentil, na ito'y si Cristo na nasa
inyo, na pagasa ninyo sa kaluwalhatian:
28
Na siya naming inihahayag, na pinaaalalahanan ang bawa't tao at tinuturuan ang
bawa't tao, sa buong karunungan, upang maiharap naming sakdal kay Cristo ang
bawa't tao;
29
Na dahil dito'y nagpapagal din naman ako, na nagpipilit ayon sa kaniyang paggawa,
na siyang sa akin ay gumagawa na may kapangyarihan.
—
Mga Taga-Colosas 1:1-29
(Ang
Biblia 1905 / Ang Dating Biblia)
Basahin sa
salin na Ang Salita Ng Diyos [SND] 1998
(Tagalog New Testament) ng Bibles International
Payak Na Paraan Ng Diyos Ukol Sa Kaligtasan
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment