1
Nagsisilapit nga sa kaniya ang lahat ng mga maniningil ng buwis at makasalanan
upang makinig sa kaniya.
2
At ang mga Fariseo at gayon din ang mga eskriba ay nangagbubulongbulungan, na
nangagsasabi, Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan, at sumasalo sa
kanila.
3
At sinalita niya sa kanila ang talinghagang ito, na sinasabi,
4
Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga
yaon ay hindi iiwan ang siyam na pu't siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala,
hanggang sa ito'y kaniyang masumpungan?
5
At pagka nasumpungan niya, ay pinapasan niya sa kaniyang balikat, na natutuwa.
6
At paguwi niya sa tahanan, ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at ang
kaniyang mga kapitbahay, na sasabihin sa kanila, Makipagkatuwa kayo sa akin,
sapagka't nasumpungan ko ang aking tupang nawala.
7
Sinasabi ko sa inyo, na gayon din magkakatuwa sa langit dahil sa isang
makasalanang nagsisisi, kay sa siyam na pu't siyam na taong matutuwid na di
nangagkakailangang magsipagsisi.
8
O aling babae na may sangpung putol na pilak, na kung mawalan siya ng isang
putol, ay hindi baga magpapaningas ng isang ilawan, at wawalisan ang bahay, at
hahanaping masikap hanggang sa ito'y masumpungan niya?
9
At pagka nasumpungan niya, ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at mga
kapitbahay, na sinasabi, Makipagkatuwa kayo sa akin, sapagka't nasumpungan ko
ang isang putol na nawala sa akin.
10
Gayon din, sinasabi ko sa inyo, na may tuwa sa harapan ng mga anghel ng Dios,
dahil sa isang makasalanang nagsisisi.
11
At sinabi niya, May isang tao na may dalawang anak na lalake:
12
At sinabi sa kaniyang ama ng bunso, Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng iyong
kayamanang nauukol sa akin. At binahagi niya sa kanila ang kaniyang pagkabuhay.
13
At hindi nakaraan ang maraming araw, ay tinipong lahat ng anak na bunso ang
ganang kaniya, at naglakbay sa isang malayong lupain; at doo'y inaksaya ang
kaniyang kabuhayan sa palunging pamumuhay.
14
At nang magugol na niyang lahat, ay nagkaroon ng isang malaking kagutom sa
lupaing yaon; at siya'y nagpasimulang mangailangan.
15
At pumaroon siya at nakisama sa isa sa mga mamamayan sa lupaing yaon; at sinugo
niya siya sa kaniyang mga parang, upang magpakain ng mga baboy.
16
At ibig sana niyang mabusog ang kaniyang tiyan ng mga ipa na kinakain ng mga
baboy: at walang taong magbigay sa kaniya.
17
Datapuwa't nang siya'y makapagisip ay sinabi niya, Ilang mga alilang upahan ng
aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, at ako rito'y namamatay ng
gutom?
18
Magtitindig ako at paroroon sa aking ama, at aking sasabihin sa kaniya, Ama,
nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin:
19
Hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo: gawin mo akong tulad sa isa sa
iyong mga alilang upahan.
20
At siya'y nagtindig, at pumaroon sa kaniyang ama. Datapuwa't samantalang nasa
malayo pa siya, ay natanawan na siya ng kaniyang ama, at nagdalang habag, at
tumakbo, at niyakap siya sa leeg, at siya'y hinagkan.
21
At sinabi ng anak sa kaniya, Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong
paningin: hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo.
22
Datapuwa't sinabi ng ama sa kaniyang mga alipin, Dalhin ninyo ritong madali ang
pinakamabuting balabal, at isuot ninyo sa kaniya; at lagyan ninyo ng singsing
ang kaniyang kamay, at mga panyapak ang kaniyang mga paa:
23
At kunin ninyo ang pinatabang guya, at inyong patayin, at tayo'y magsikain, at
mangagkatuwa:
24
Sapagka't patay na ang anak kong ito, at muling nabuhay; siya'y nawala, at
nasumpungan. At sila'y nangagpasimulang mangagkatuwa.
25
Nasa bukid nga ang anak niyang panganay: at nang siya'y dumating at malapit sa
bahay, ay narinig niya ang tugtugan at ang sayawan.
26
At pinalapit niya sa kaniya ang isa sa mga alipin, at itinanong kung ano kaya
ang mga bagay na yaon.
27
At sinabi niya sa kaniya, Dumating ang kapatid mo; at pinatay ng iyong ama ang
pinatabang guya, dahil sa siya'y tinanggap niya na ligtas at magaling.
28
Datapuwa't nagalit siya, at ayaw pumasok: at lumabas ang kaniyang ama, at siya'y
namanhik sa kaniya.
29
Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kaniyang ama, Narito, maraming taon nang
kita'y pinaglilingkuran, at kailan ma'y hindi ako sumuway sa iyong utos; at
gayon ma'y hindi mo ako binigyan kailan man ng isang maliit na kambing, upang
ipakipagkatuwa ko sa aking mga kaibigan:
30
Datapuwa't nang dumating itong anak mong umubos ng iyong pagkabuhay sa mga
patutot, ay ipinagpatay mo siya ng pinatabang guya.
31
At sinabi niya sa kaniya, Anak, ikaw ay palaging nasa akin, at iyo ang lahat ng
akin.
32
Datapuwa't karapatdapat mangagkatuwa at mangagsaya tayo: sapagka't patay ang
kapatid mong ito, at muling nabuhay; at nawala, at nasumpungan.
—
Lucas 15:1-32
(Ang
Biblia 1905 / Ang Dating Biblia)
Basahin sa
salin na Ang Salita Ng Diyos [SND] 1998
(Tagalog New Testament) ng Bibles International
Payak Na Paraan Ng Diyos Ukol Sa Kaligtasan
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment