1
Namamanhik nga sa inyo akong bilanggo sa Panginoon, na kayo'y magsilakad ng
nararapat sa pagkatawag na sa inyo'y itinawag,
2
Ng buong kapakumbabaan at kaamuan, na may pagpapahinuhod, na mangagbatahan
kayo-kayo sa pagibig;
3
Na pagsakitan ninyong ingatan ang pakikipagkaisa sa Espiritu sa tali ng
kapayapaan.
4
May isang katawan, at isang Espiritu, gaya naman ng pagkatawag sa inyo sa isang
pagasa ng pagtawag sa inyo;
5
Isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo,
6
Isang Dios at Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat,
at nasa lahat.
7
Datapuwa't ang bawa't isa sa atin ay binigyan ng biyaya ayon sa sukat na kaloob
ni Cristo.
8
Kaya't sinasabi niya, Nang umakyat siya sa itaas ay dinala niyang bihag ang
pagkabihag, At nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.
9
(Ngayon ito, Umakyat Siya, ano ito, kundi siya'y bumaba rin naman sa mga dakong
kalaliman ng lupa?
10
Ang bumaba ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng buong sangkalangitan,
upang kaniyang mapuspos ang lahat ng mga bagay.)
11
At pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba'y
propeta; at ang mga iba'y evangelista; at ang mga iba'y pastor at mga guro;
12
Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni
Cristo:
13
Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang
pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa
sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo:
14
Upang tayo'y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito't doon at
dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya
ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian;
15
Kundi sa pagsasalita ng katotohanan na may pagibig, ay mangagsilaki sa lahat ng
mga bagay sa kaniya, na siyang pangulo, sa makatuwid baga'y si Cristo;
16
Na dahil sa kaniya'y ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakalakip sa
pamamagitan ng tulong ng bawa't kasukasuan, ayon sa paggawang nauukol sa bawa't
iba't ibang sangkap, ay nagpapalaki sa katawan sa ikatitibay ng kaniyang sarili
sa pagibig.
17
Ito nga ang sinasabi ko, at sinasaksihan sa Panginoon, na kayo'y hindi na
nagsisilakad pa na gaya naman ng lakad ng mga Gentil, sa pagpapalalo sa kanilang
pagiisip,
18
Na sa kadiliman ng kanilang pagiisip, ay nangahiwalay sa buhay ng Dios, dahil sa
kahangalang nasa kanila, dahil sa pagmamatigas ng kanilang puso;
19
Na sila sa di pagkaramdam ng kahihiyan ay napahikayat sa kalibugan, upang
kalakalin ang lahat ng karumihan ng buong kasakiman.
20
Nguni't kayo'y hindi nangatuto ng ganito kay Cristo;
21
Kung tunay na siya'y inyong pinakinggan, at kayo'y tinuruan sa kaniya, gaya ng
katotohanan na kay Jesus.
22
At inyong iwan, tungkol sa paraan ng inyong pamumuhay na nakaraan, ang dating
pagkatao, na sumama ng sumama ayon sa mga kahalayan ng pagdaraya;
23
At kayo'y mangagbago sa espiritu ng inyong pagiisip,
24
At kayo'y mangagbihis ng bagong pagkatao, na ayon sa Dios ay nilalang sa
katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan.
25
Kaya nga, pagkatakuwil ng kasinungalingan, ay magsasalita ang bawa't isa sa inyo
ng katotohanan sa kaniyang kapuwa: sapagka't tayo'y mga sangkap na isa't isa sa
atin.
26
Kayo'y mangagalit at huwag kayong mangakasala: huwag lumubog ang araw sa inyong
galit:
27
Ni bigyan daan man ang diablo.
28
Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa: bagkus magpagal, na igawa ang kaniyang
mga kamay ng mabuting bagay, upang siya'y may maibigay sa nangangailangan.
29
Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuting
ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga
nagsisipakinig.
30
At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Dios, na sa kaniya kayo'y
tinatakan hanggang sa kaarawan ng pagkatubos.
31
Ang lahat ng kapaitan, at kagalitan, at pagkakaalit, at kadaldalan, at
panglilibak, ay mangaalis nawa sa inyo, pati ng lahat ng masasamang akala:
32
At magmagandang-loob kayo sa isa't isa, mga mahabagin, na mangagpatawaran kayo
sa isa't isa, gaya naman ng pagpapatawad sa inyo ng Dios kay Cristo.
— Mga Taga-Efeso 4:1-32
(Ang
Biblia 1905 / Ang Dating Biblia)
Basahin sa
salin na Ang Salita Ng Diyos [SND] 1998
(Tagalog New Testament) ng Bibles International
Payak Na Paraan Ng Diyos Ukol Sa Kaligtasan
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment