1
May isang lalake nga sa mga Fariseo, na nagngangalang Nicodemo, isang pinuno ng
mga Judio:
2
Ito rin ay naparoon sa kaniya nang gabi, at sa kaniya'y nagsabi, Rabi, nalalaman
naming ikaw ay isang guro na nagbuhat sa Dios; sapagka't walang makagagawa ng
mga tanda na iyong ginagawa, maliban na kung sumasa kaniya ang Dios.
3
Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa
iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng
kaharian ng Dios.
4
Sinabi sa kaniya ni Nicodemo, Paanong maipanganganak ang tao kung siya'y matanda
na? makapapasok baga siyang bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina, at
ipanganak?
5
Sumagot si Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang
tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian
ng Dios.
6
Ang ipinanganak ng laman ay laman nga; at ang ipinanganak ng Espiritu ay
espiritu nga.
7
Huwag kang magtaka sa aking sinabi sa iyo, Kinakailangan ngang kayo'y ipanganak
na muli.
8
Humihihip ang hangin kung saan niya ibig, at naririnig mo ang kaniyang ugong,
nguni't hindi mo nalalaman kung saan nanggagaling, at kung saan naparoroon:
gayon ang bawa't ipinanganak ng Espiritu.
9
Sumagot si Nicodemo at sa kaniya'y sinabi, Paanong pangyayari ng mga bagay na
ito?
10
Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Ikaw ang guro sa Israel, at hindi mo
nauunawa ang mga bagay na ito?
11
Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ang nalalaman namin ay sinasalita
namin, at ang aming nakita ay pinatototohanan namin; at hindi ninyo tinanggap
ang aming patotoo.
12
Kung sinabi ko sa inyo ang mga bagay na nauukol sa lupa at hindi ninyo
pinaniniwalaan, paanong paniniwalaan ninyo kung sabihin ko sa inyo ang mga bagay
na nauukol sa langit?
13
At walang umakyat sa langit, kundi ang nanggaling sa langit, sa makatuwid baga'y
ang Anak ng tao, na nasa langit.
14
At kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, ay gayon kinakailangang
itaas ang Anak ng tao;
15
Upang ang sinomang sumampalataya ay magkaroon sa kaniya ng buhay na walang
hanggan.
16
Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya
ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay
huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
17
Sapagka't hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang
sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.
18
Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay
hinatulan na, sapagka't hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak
ng Dios.
19
At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga
tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka't masasama ang kanilang mga gawa.
20
Sapagka't ang bawa't isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi
lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa.
21
Datapuwa't ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang mahayag na
ang kaniyang mga gawa ay ginawa sa Dios.
22
Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nagsiparoon si Jesus at ang kaniyang mga
alagad sa lupain ng Judea; at doon siya tumira na kasama nila, at bumabautismo.
23
At bumabautismo rin naman si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagka't doo'y
maraming tubig: at sila'y nagsiparoon, at nangabautismuhan.
24
Sapagka't hindi pa ipinapasok sa bilangguan si Juan.
25
Nagkaroon nga ng isang pakikipagtalo ang mga alagad ni Juan sa isang Judio
tungkol sa paglilinis.
26
At sila'y nagparoon kay Juan, at sa kaniya'y sinabi, Rabi, yaong kasama mo sa
dako pa roon ng Jordan, na binigyan mong patotoo, narito, siya'y bumabautismo,
at ang lahat ng mga tao'y nagsisiparoon sa kaniya.
27
Sumagot si Juan at sinabi, Hindi makatatanggap ng anoman ang isang tao, malibang
ito'y ipinagkaloob sa kaniya mula sa langit.
28
Kayo man ay magsisisaksi sa akin, na aking sinabi, Hindi ako ang Cristo, kundi,
na ako'y sinugo sa unahan niya.
29
Ang nagtatangkilik sa kasintahang babae ay ang kasintahang lalake: datapuwa't
ang kaibigan ng kasintahang lalake, na nakatayo at nakikinig sa kaniya, ay
nagagalak na lubos dahil sa tinig ng kasintahang lalake: ito ngang aking
kaligayahan ay naganap.
30
Siya'y kinakailangang dumakila, nguni't ako'y kinakailangang bumaba.
31
Ang nanggagaling sa itaas ay sumasaibabaw ng lahat: ang galing sa lupa ay taga
lupa nga, at ang ukol sa lupa ang sinasalita niya: ang nanggagaling sa langit ay
sumasaibabaw ng lahat.
32
At kaniyang nakita at narinig, ay siyang pinatototohanan niya; at walang taong
tumatanggap ng kaniyang patotoo.
33
Ang tumatanggap ng kaniyang patotoo ay naglagay dito ng kaniyang tatak, na ang
Dios ay totoo.
34
Sapagka't ang sinugo ng Dios ay nagsasalita ng mga salita ng Dios: sapagka't
hindi niya ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng sukat.
35
Sinisinta ng Ama ang Anak, at inilagay sa kaniyang kamay ang lahat ng mga bagay.
36
Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; nguni't ang hindi
tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Dios ay
sumasa kaniya.
—
Juan 3:1-36
(Ang
Biblia 1905 / Ang Dating Biblia)
Basahin sa
salin na Ang Salita Ng Diyos [SND] 1998
(Tagalog New Testament) ng Bibles International
Payak Na Paraan Ng Diyos Ukol Sa Kaligtasan
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment