1
Kung magkagayon ay makakatulad ang kaharian ng langit ng sangpung dalaga, na
kinuha ang kanilang mga ilawan, at nagsilabas upang salubungin ang kasintahang
lalake.
2
At ang lima sa kanila'y mga mangmang, at ang lima'y matatalino.
3
Sapagka't nang dalhin ng mga mangmang ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila
nangagdala ng langis:
4
Datapuwa't ang matatalino ay nangagdala ng langis sa kanilang sisidlan na kasama
ng kanilang mga ilawan.
5
Samantalang nagtatagal nga ang kasintahang lalake, ay nangagantok silang lahat
at nangakatulog.
6
Datapuwa't pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake!
Magsilabas kayo upang salubungin siya.
7
Nang magkagayo'y nagsipagbangong lahat ang mga dalagang yaon, at pinagigi ang
kanilang mga ilawan.
8
At sinabi ng mga mangmang sa matatalino, Bigyan ninyo kami ng inyong langis;
sapagka't nangamamatay ang aming mga ilawan.
9
Datapuwa't nagsisagot ang matatalino, na nangagsasabi, Baka sakaling hindi
magkasiya sa amin at sa inyo: magsiparoon muna kayo sa nangagbibili, at
magsibili kayo ng ganang inyo.
10
At samantalang sila'y nagsisiparoon sa pagbili, ay dumating ang kasintahang
lalake; at ang mga nahahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan:
at inilapat ang pintuan.
11
Pagkatapos ay nagsirating naman ang mga ibang dalaga, na nagsisipagsabi,
Panginoon, Panginoon, buksan mo kami.
12
Datapuwa't sumagot siya at sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ko
kayo nangakikilala.
13
Mangagpuyat nga kayo, sapagka't hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras.
14
Sapagka't tulad sa isang tao, na nang paroroon sa ibang lupain, ay tinawag ang
kaniyang sariling mga alipin, at ipinamahala sa kanila ang kaniyang mga pag-aari.
15
At ang isa'y binigyan niya ng limang talento, ang isa'y dalawa, at ang isa'y isa;
sa bawa't isa'y ayon sa kanikaniyang kaya; at siya'y yumaon sa kaniyang
paglalakbay.
16
Ang tumanggap ng limang talento pagdaka'y yumaon at ipinangalakal niya ang mga
yaon, at siya'y nakinabang ng lima pang talento.
17
Sa gayon ding paraan ang tumanggap ng dalawa ay nakinabang ng ibang dalawa pa.
18
Datapuwa't ang tumanggap ng isa ay yumaon at humukay sa lupa, at itinago ang
salapi ng kaniyang panginoon.
19
Pagkatapos nga ng mahabang panahon, ay dumating ang panginoon ng mga aliping
yaon, at nakipaghusay sa kanila.
20
At ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento,
na nagsasabi, Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento: narito, ako'y
nakinabang ng lima pang talento.
21
Sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon, Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin:
nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka
sa kagalakan ng iyong panginoon.
22
At lumapit naman ang tumanggap ng dalawang talento at sinabi, Panginoon,
binigyan mo ako ng dalawang talento: narito, ako'y nakinabang ng dalawa pang
talento.
23
Sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon, Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin:
nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka
sa kagalakan ng iyong panginoon.
24
At lumapit naman ang tumanggap ng isang talento at sinabi, Panginoon, nakikilala
kita na ikaw ay taong mapagmatigas, na gumagapas ka doon sa hindi mo hinasikan,
at nagaani ka doon sa hindi mo sinabugan;
25
At ako'y natakot, at ako'y yumaon at aking itinago sa lupa ang talento mo:
narito, nasa iyo ang iyong sarili.
26
Datapuwa't sumagot ang kaniyang panginoon at sinabi sa kaniya, Ikaw na aliping
masama at tamad, nalalaman mong ako'y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at
nagaani doon sa hindi ko sinabugan;
27
Gayon pala'y ibinigay mo sana ang aking salapi sa nagsisipangalakal ng salapi,
at nang sa aking pagdating ay tinanggap ko sana ang ganang akin pati ng
pakinabang.
28
Alisin nga ninyo sa kaniya ang talento, at ibigay ninyo sa may sangpung talento.
29
Sapagka't ang bawa't mayroon ay bibigyan, at siya'y magkakaroon ng sagana:
nguni't ang wala, pati pa nang nasa kaniya ay aalisin sa kaniya.
30
At ang aliping walang kabuluhan ay inyong itapon sa kadiliman sa labas: diyan na
nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.
31
Datapuwa't pagparito ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama
niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo'y luluklok siya sa luklukan ng
kaniyang kaluwalhatian:
32
At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at sila'y pagbubukdinbukdin
niya na gaya ng pagbubukodbukod ng pastor sa mga tupa at sa mga kambing;
33
At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, datapuwa't sa kaliwa ang mga
kambing.
34
Kung magkagayo'y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo,
mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat
nang itatag ang sanglibutan:
35
Sapagka't ako'y nagutom, at ako'y inyong pinakain; ako'y nauhaw, at ako'y inyong
pinainom; ako'y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy;
36
Naging hubad, at inyo akong pinaramtan; ako'y nagkasakit, at inyo akong dinalaw;
ako'y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan.
37
Kung magkagayo'y sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon,
kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom
ka?
38
At kailan ka naming nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? o hubad,
at pinaramtan ka?
39
At kailan ka namin nakitang may-sakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?
40
At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo,
Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na
ito, ay sa akin ninyo ginawa.
41
Kung magkagayo'y sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, Magsilayo kayo sa
akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo
at sa kaniyang mga anghel:
42
Sapagka't ako'y nagutom, at hindi ninyo ako pinakain; ako'y nauhaw, at hindi
ninyo ako pinainom;
43
Ako'y naging isang taga ibang bayan, at hindi ninyo ako pinatuloy; hubad, at
hindi ninyo ako pinaramtan; maysakit at nasa bilangguan, at hindi ako dinalaw.
44
Kung magkagayo'y sila nama'y magsisisagot, na magsisipagsabi, Panginoon, kailan
ka namin nakitang nagugutom, o nauuhaw, o isang taga ibang bayan, o hubad, o
may-sakit, o nasa bilangguan, at hindi ka namin pinaglingkuran?
45
Kung magkagayo'y sila'y sasagutin niya, na sasabihin, Katotohanang sinasabi ko
sa inyo, na yamang hindi ninyo ginawa sa maliliit na ito, ay hindi ninyo ginawa
sa akin.
46
At ang mga ito'y mangapaparoon sa walang hanggang kaparusahan: datapuwa't ang
mga matuwid ay sa walang hanggang buhay.
— Mateo 25:1-46
(Ang
Biblia 1905 / Ang Dating Biblia)
Basahin sa
salin na Ang Salita Ng Diyos [SND] 1998
(Tagalog New Testament) ng Bibles International
Payak Na Paraan Ng Diyos Ukol Sa Kaligtasan
Ye Must Be Born Again! | You Need HIS Righteousness!
No comments:
Post a Comment